News Releases

English | Tagalog

BINI at BGYO, nagpasiklab sa sibling concert, usap-usapan sa social media

November 10, 2021 AT 04:26 PM

Sulit na sulit ang panonood ng fans sa “One Dream: The BINI & BGYO Concert” kung saan humataw sa performance ang parehong P-pop groups sa loob ng apat na oras.

Bumaha sa social media ng mga litrato at video ng concert na ginanap noong weekend (Nobyembre 6 at 7) dahil sa pagkabilib ng fans. Ang iba rin ay hindi makapaniwala na higit sa 40 na awitin ang nai-perform ng BINI at BGYO na may iba’t ibang dance choreography pa bawat kanta.

Sinorpresa rin ng BINI at BGYO ang viewers sa medley nila ng mga kanta ni Sarah Geronimo na “Sa Iyo,” “Tala,” at “Kilometro,” “Better World” at “Paraiso” ng grupong Smokey Mountain. Isang maagang Pamasko rin ang inihandog nila sa pag-awit ng Pinoy Christmas classics na “Christmas Party,” “Pasko sa Pinas,” at “Araw ng Pasko.”

Nakasama naman nila sa matinding kantahan si KZ Tandingan para sa collaborations nilang “Labo” at Marupok.” Sumabak sa dance showdown ang BGYO kasama si AC Bonifacio, habang unang beses namang kinanta ng BINI nang live ang “B HU U R” kasama ang rapper na si Kritiko.

Inulan ng papuri ang BINI at BGYO ng kanilang fan groups na BLOOM at ACEs kaya nag-trending worldwide sa Twitter ang “BINIxBGYO SIBLING CONCERT” at trending naman sa Pilipinas ang #OneDreamBINIxBGYOd2, #OneDreamBINIxBGYOconcertD1, “BGYO ANOTHER LEVEL CONCERT,” at “ONEDREAM THE BINI&BGYO CONCERT.”

Pagkatapos ng kanilang matagumpay na concert, pinaghahandaan naman nila ngayon ang 1MX Ultimate Music Festival sa Dubai sa Disyembre 3, 10 PM (Manila time).

Inanunsiyo rin sa “One Dream” concert ang 1MX Manila Ultimate Music Festival, kung saan magtatanghal naman sina AC Bonifacio, Angela Ken, Carlo Bautista, FANA, Jayda, Jeremy G, Kritiko, Lian Kyla, Nameless Kids, SAB, at Trisha Denise sa Disyembre 4, 11 AM (Manila time). Available ang tickets ng dalawang shows sa KTX.ph sa halagang P499 o US$20.

Kumuha ng updates tungkol sa BINI at BGYO at sundan ang BINI_ph at BGYO_ph sa Facebook, Twitter, at Instagram, at mag-subscribe na sa official YouTube channels nilang BINI Official at BGYO Official.