News Releases

English | Tagalog

“Never Enough” singer mula sa US, inawit ang OPM classic na “Araw Gabi”

November 11, 2021 AT 10:46 AM

Patikim sa bagong album ni Troy Laureta
 
Binigyang-buhay ng American artist at “Never Enough” singer na si Loren Allred ang OPM classic na “Araw Gabi” na may bagong areglong dapat pakinggan ng mga Pinoy mula sa Fil-Am music director na si Troy Laureta.
 
“’Araw Gabi’ was such a joy to create with Loren Allred and a team of people from all walks of life and from all around the world,” ani Troy sa Instagram, kung saan sinabi niya rin na ito ang magiging unang single sa inihahanda niyang bagong album sa ilalim ng Star Music.
 

Ayon naman kay Loren, na nasa likod ng Billboard-charting at Platinum-selling na kantang “Never Enough” mula sa musical film na “The Greatest Showman,” masayang-masaya siya noong ayain ni Troy na umawit ng isang Tagalog na kanta.
 
Dagdag pa niya, “Throughout the years, my Filipino fans have shown me so much love and I thought what better way to say thank you than to sing in Tagalog. This was such a special experience for me and I hope I made my Filipino fans proud.”
 
Bagong arrangement ang hatid ni Troy at nakakabilib na pag-awit naman ang dala ni Loren sa bersyon nila ng “Araw Gabi,” na isinulat at kinompose ni ‘Maestro’ Ryan Cayabyab, orihinal na ini-record ni Nonoy Zuñiga, at mas pinasikat pa ni Regine Velasquez-Alcasid.
 
Nito lang 2020, inilabas ni Troy ang “KAIBIGAN: A Troy Laureta OPM Collective Vol. 1” na nagtampok sa mga boses ng world-class singers na sina AILEE, Cheesa, Jake Zyrus, Matt Bloyd, Nicole Scherzinger, Pia Toscano, Regine, at Sheléa para ibida ang ilan sa mga pinakamagagandang OPM love song sa buong mundo.
 
Pakinggan ang “Araw Gabi” nina Troy at Loren sa iba’t ibang digital music services at sa ABS-CBN Star Music YouTube channel. Para sa iba pang detalye, i-like ang Star Music sa Facebook (www.facebook.com/starmusicph) at sundan ito sa Twitter at Instagram (@StarMusicPH).

PHOTOS

DOWNLOAD ALL 4 PHOTOS FROM THIS ARTICLE