News Releases

English | Tagalog

Agot at Christian nahuling naglampungan ni Raymond sa "La Vida Lena"

November 18, 2021 AT 04:37 PM

Ubos na ang pasensya ni Lukas sa asawang si Vanessa (Agot Isidro) matapos niya itong mahuling nakikipagkita na naman nang palihim kay Conrad (Christian Vasquez) sa teleseryeng “La Vida Lena” na napapanood sa Kapamilya Channel, A2Z, at TV5.
 
Sa sobrang galit ni Lukas, pinagbawalan niya si Vanessa na lumabas ng bahay at makipag-usap sa iba. Ito ay matapos ipamukha ni Lukas kay Vanessa ang litratong nakuha niya kung saan yakap-yakap ni Conrad ang asawa sa naging pagkikita nila.
 
Malaki rin ang problema ni Vanessa dahil bukod sa pagpalya ng plano ni Conrad na ipaligpit si Lukas, napatay mismo ng anak nilang si Adrian (JC De Vera) ang taong papatay sana kay Lukas. Tuliro rin si Adrian dahil hindi siya makapaniwalang nagawa niya iyon habang pinoprotektahan ang sikreto ng mga totoong magulang niya.
 
Dahil sa pagtatraydor ni Vanessa, desperado si Lukas na makahanap ng matinong kakampi kay Jordan (Carlo Aquino) para makilala ang bawat galaw ng kaaway niyang si Lena (Erich Gonzales). Ang hindi naman alam ni Lukas, gusto lamang mapalapit sa kanya ni Jordan dahil gusto nitong makahanap ng baho para mapabagsak ang pamilya niya.
 
Paano na kikilos sina Vanessa at Conrad ngayong bawal na silang magkita? Mabisto kaya ni Lukas ang plano ni Jordan?
 
Subaybayan ang “La Vida Lena” gabi-gabi, 10 PM sa Kapamilya Channel, A2Z, TV5, at Kapamilya Online Live sa YouTube channel at Facebook page ng ABS-CBN Entertainment. I-rescan lang ang anumang digital TV box na ginagamit sa bahay, gaya ng TVplus box, para mapanood ito sa TV5 at A2Z.
 
Mapapanood din sa labas ng Pilipinas sa pamamagitan ng iWantTFC at The Filipino Channel (TFC) sa cable at IPTV ang “La Vida Lena,” na nakasama sa listahan ng mga pinakapinapanood na TV programs sa multicultural Asian homes sa U.S. noong Setyembre. Para sa updates, sundan ang @abscbnpr sa Facebook, Twitter, Instagram, at TikTok o bisitahin ang www.abs-cbn.com/newsroom.