News Releases

English | Tagalog

Mercedes nilaglag si Eula, humingi ng tawad kina Andrea at Francine sa "Huwag Kang Mangamba"

November 03, 2021 AT 01:40 PM

Laglagan na para sa katotohanan at katarungan. Mismong kapatid na ng pekeng faith healer na si Deborah (Eula Valdes) ang nagpamukha sa kanya ng kahibangan niya nang tuluyan na siyang tinalikuran ni Agatha (Mercedes Cabral) sa huling dalawang linggo ng “Huwag Kang Mangamba” sa Kapamilya Channel, A2Z, at TV5.

Nagising na sa katotohanan si Agatha pagkatapos malagay sa kritikal na kondisyon ang anak niyang si Sofia (Alyanna Angeles) dahil sa pananakit ni Deborah. Naging mapait din ang paghihiwalay ng magkapatid dahil pinagsabihan ni Agatha si Deborah na itigil na ang pagpapanggap na diyos.
 
Nagbalik-loob naman si Agatha kay Bro at naglakas-loob na inamin ang mga kasalanan niya. Humingi rin siya ng tawad para sa mga kasalanan niya, partikular na sa aksidenteng pagkakapatay niya noon kay Fatima, ang ina nina Mira at Joy (Andrea Brillantes at Francine Diaz) at anak ni Barang (Sylvia Sanchez).
 
Kaya naman para makabawi sa kanila, nangako si Agatha na tutulong siya sa paghahanap ng hustisya at isisiwalat ang mga krimen ni Deborah.
 
Patuloy ang kaguluhan sa buong Hermoso dahil kay Deborah. Pagkatapos niyang patayin si Simon (Nonie Buencamino), gagawa pa siya ng mga paraan para bumalik ang pananampalataya ng mga deboto niya sa kanya.
 
Kaninong buhay ang susunod na masasakripisyo sa ngalan ng hustisya? Paano ibubulgar nina Mira at Joy ang totoong kasamaan ni Deborah?
 
Kumuha ng pag-asa at inspirasyon sa panonood ng “Huwag Kang Mangamba” gabi-gabi sa Kapamilya Channel, A2Z, TV5, Kapamilya Online Live, iWantTFC, WeTV, at iflix. I-rescan lang ang anumang digital TV box na ginagamit sa bahay, gaya ng TVplus box, para mapanood sa A2Z at TV5 ang mga bagong episode ng “Huwag Kang Mangamba.” Para sa viewers sa labas ng Pilipinas, mapapanood ito sa The Filipino Channel sa cable at IPTV.
 
Para sa updates, sundan ang @abscbnpr sa Facebook, Twitter, Instagram, at TikTok o bisitahin ang www.abs-cbn.com/newsroom.