News Releases

English | Tagalog

Sunshine, kinikilig kay Fino sa "Marry Me, Marry You"

November 04, 2021 AT 03:43 PM

Sunshine falls for younger Fino in "Marry Me, Marry You"

When will Luke and Paula make their relationship official? How will Camille and Andrei’s families accept their relationship?

Bagong season, mas maagang mapapanood sa A2Z at TV5

Ang haba ng hair! Pasigla nang pasigla ang love life ni Paula (Sunshine Dizon) dahil nagtapat na ng nararamdaman sa kanya ang manliligaw at fitness coach niyang si Luke (Fino Herrera) sa “Marry Me, Marry You,” na napapanood gabi-gabi sa Kapamilya Channel, A2Z, at TV5. 

Kahit malayo ang agwat nila sa edad, determinado si Luke na ipakita ang pagmamahal niya kay Paula at sa pamilya nito. Masaya naman si Paula na inamin ni Luke ang tunay niyang nararamdaman lalo na’t nahulog na rin ang loob niya sa binata. Mukhang seryosohan na rin ang namamagitan sa kanila dahil ipinakilala na ni Paula si Luke sa mga best friend niyang sina Elvie at Marvi (Cherry Pie Picache at Vina Morales).

Subalit hindi pa man umuusbong ang bagong love life ni Paula ay mauudlot na agad ito dahil sa sarili niyang anak na si Koleene (Analain Salvador).

Sa trailer ng ikalawang season ng serye na magbubukas sa Nobyembre 15, mukhang magkakaroon ng love triangle sa pagitan nina Paula, Luke, at Koleene. Mahuhulog kasi ang loob ni Koleene kay Luke, pero wala siyang kamalay-malay sa namagitan kina Luke at Paula. Kaya naman kailangan magdesisyon ni Paula kung uunahin niya ang sarili niyang kaligayahan o magpapaubaya para sa anak.

Samantala, dadaan pa sa mas matitinding pagsubok ang love story nina Camille at Andrei (Janine Gutierrez at Paulo Avelino) dahil sa trabaho at sa hidwaan ng kanilang mga pamilya. Nakatakda namang magbalikan ang dalawa dahil aalukin ni Andrei ng kasal si Camille.

Magkakatuluyan pa kaya sina Paula at Luke? Paano tatanggapin ng mga pamilya nina Camille at Andrei ang balikan ng dalawa?

Sa ngayon, napapanood ang “Marry Me, Marry You” gabi-gabi tuwing 9:25 PM. Magsisimula ang ikalawang season nito sa Nobyembre 15 sa mas maagang timeslot na 8:40 PM sa Kapamilya Channel, A2Z, TV5, at Kapamilya Online Live. I-rescan lang ang anumang digital TV box na ginagamit sa bahay, gaya ng TVplus box, para mapanood sa TV5 at A2Z ang mga bagong episode ng “Marry Me, Marry You.” Available din ang episodes nito sa iWantTFC, WeTV, at iflix, at sa The Filipino Channel sa cable at IPTV para sa viewers sa labas ng Pilipinas.

Para sa updates, sundan ang @abscbnpr sa Facebook, Twitter, Instagram, at TikTok o bisitahin ang www.abs-cbn.com/newsroom.