News Releases

English | Tagalog

Vance, binantaan si Markus sa "Viral Scandal"

December 08, 2021 AT 10:32 AM

Lagot si Jigs (Markus Patterson)!  Huwag munang magdiwang ang councilor dahil may banta si Archie (Vance Larena) na may hawak itong ebidensya sa iba pa niyang na-biktima sa "Viral Scandal."

 

Matapos nga mabasura ang kasong rape na isinampa ni Rica (Charlie Dizon), nagsimula nang magsaya ang Ramones sa pag-aakalang matatapos na ang gulong kinasangkutan ni Jigs.

 

Ngunit biglang tumawag si Archie sa konsehal para sabihing may kopya siya ng mga pag-uusap nila sa group chat ng kanilang barkada.

 

Hindi natapos doon ang pananakot ni Archie dahil tumawag muli siya sa binata kaso si Raven (Kaila Estrada) ang nakasagot. Hindi niya nakilala si Raven at inakalang bagong babae ito ni Jigs. Sinabihan pa niya na mag-ingat sa lalaki at baka magaya sa sinapit ni Rica. Nagpadala pa siya ng litrato sa cellphone ni Jigs kalakip ang mensaheng, "Remember her? Hindi rin niya alam na kinunan siya, right?"

 

Samantala, galit na galit naman ang mga Sicat sa kinahinatnan ng kasong isinampa nila. Labis na nababahala sina Kakay (Dimples Romana) at Dan (Miko Raval) sa kalagayan ni Rica lalo pa at nagdesisyon itong ipagpatuloy ang pagbo-board exam.

 

Gayundin si Troy (Jake Cuenca) na pinuntahan pa si Rica para alamin ang lagay nito. Sinabi ng mayor na nag-aalala siya rito at ang kagustuhan din niya ay pagbayaran ni Jigs ang kasalanan nito. Ngunit ipinamukha ni Rica na hindi niya kailangan ito at may tatay na siyang pumoprotekta sa kanya. Batid ni Rica na hindi kayang talikuran ni Troy ang pamilya at posisyon at pumanig sa kanya.

 

Ano kaya ang gagawin ni Jigs para matigil si Archie sa paglalantad ng iba pa niyang tinatagong baho? Mag-iba kaya ang pananaw ni Raven sa pinsan dahil sa nakita? Ititigil naman ba ni Rica ang paglaban sa hustisya?

 

Subaybayan ang “Viral Scandal” gabi-gabi ng 9:20 PM sa Kapamilya Channel, A2Z, TV5, Kapamilya Online Live, Jeepney TV, iWantTFC, WeTV iflix. Para sa viewers sa labas ng Pilipinas, mapapanood ito sa The Filipino Channel sa cable at IPTV.