News Releases

English | Tagalog

Coco, pababagsakin ng mga kalaban sa "FPJ's Ang Probinsyano"

March 18, 2021 AT 04:45 PM

Coco's enemies team up, plot his downfall in "FPJ's Ang Probinsyano"

Streaming advance episodes on WeTV and iflix starting on March 20

Hindi nauubusan ng mga problema si Cardo (Coco Martin) kahit nailigtas na sina Diana (Angel Aquino) at Teddy (Joel Torre).  Nagsanib pwersa na ang kanyang mga kalaban para siya ay pabagsakin sa “FPJ’s Ang Probinsyano” na napapanood sa Kapamilya Channel, A2Z, TV5, Kapamilya Online Live, TFC, iWantTFC at streaming na rin sa WeTV at iflix simula Marso 20.

Pagkatapos matakasan sina Lily (Lorna Tolentino) at Arturo (Tirso Cruz III) sa gitna ng bakbakan, kailangan maghanda muli ni Cardo para sa susunod nilang harapan dahil iipunin ng kanyang mga kalaban ang kanilang mga tauhan, kabilang na ang Black Ops, para tapusin si Cardo.

Determinado si Arturo na maghiganti kay Cardo sa pag-aakala niyang siya ang pumatay sa anak niyang si Clarisse (Rhen Escaño). Ang hindi alam ni Arturo, aksidenteng nabaril ni Lily si Clarisse habang ang Black Ops ang nagtapon sa bangkay nito upang pagtakpan ang kanilang kapalpakan sa misyon nila.

Kabilang na rin si Teddy sa mga kaaway ni Cardo, na ngayon lang nalaman ang pagkamatay ng anak niyang si Alyanna (Yassi Pressman) at sinisisi ito sa kanya.

Kakayanin kaya ni Cardo ang pinaplano ng kanyang mga kalaban? Magawa kayang patawarin ni Teddy si Cardo?

Patuloy na sinusubaybayan ng mga Pinoy ang mga matitinding laban ni Cardo nang humakot ng 103,000 peak concurrent viewers ang #FPJAP5AgawBuhay episode nitong Marso 11, at nilagpasan ang sariling live viewership record ng programa sa Kapamilya Online Live ng ABS-CBN Entertainment YouTube channel.

Huwag palampasin ang maaaksyong eksena sa “FPJ’s Ang Probinsyano” gabi-gabi sa sa Kapamilya Channel, A2Z, TV5, Kapamilya Online Live YouTube channel at ABS-CBN Entertainment Facebook page, TFC, iWantTFC, WeTV, at iflix .   

Para sa updates, sundan ang @abscbnpr sa Facebook, Twitter, at Instagram o bisitahin ang  www.abs-cbn.com/newsroom.