News Releases

English | Tagalog

BINI, magpapasiklab na sa official launch nila sa KTX.PH

May 20, 2021 AT 03:22 PM

Pagkatapos pabilibin ang local at international fans bago pa ang kanilang official debut, ipapakita na ng pinakabagong P-pop girl group na BINI ang kanilang ibubuga sa inaabangang grand launch nila ngayong Hunyo 4 at 11, 6 PM (Philippine time) sa KTX.PH.

 

Puno ng sorpresa at pasabog ang two-part event na pinamagatang “BINI: The Launch,” kung saan ibibida ang iba-ibang personalidad at talento ng walong BINI members pati na ang mas palaban nilang look at tunog.

 

Sa “The Runway” ngayong Hunyo 4, rarampa sina Aiah, Colet, Maloi, Gwen, Stacey, Mikha, Jhoanna, at Sheena sa fashion show suot ang iba’t ibang likhang espesyal na dinisenyo para sa bawat isa sa kanila ng sikat na Filipino designer na si Francis Libiran.

 

Makaka-bonding naman ng fans ang BINI sa “The Showcase” sa Hunyo 11. Bukod sa fan conference, mapapanood dito ang hinihintay na bonggang performances ng grupo, videos tungkol sa mga pinagdaanan nila bago ang launch, at ang paglulunsad ng music video para sa latest single nilang “Born to Win.”

 

Mula nang ianunsyo ang event ngayong buwan, agad na pumatok at patuloy na dumarami ang bumibili ng tickets para mapanood ang “BINI: The Launch.”

 

Available sa KTX.PH ang VIP tickets (P499) na bibigyan ang fans ng pagkakataong maging bahagi ng virtual audience sa June 11 live show, pati ang general admission tickets (P399). Magagamit ang bawat nabiling ticket sa panonood ng dalawang shows ng BINI.

 

Bago ang official launch nila, gumawa na ng ingay sa social media ang BINI matapos mailunsad ang pre-debut single nilang “Da Coconut Nut” noong Nobyembre 2020. Naging viral din ang ilang TV performances nila na umani ng mga papuri mula sa parehong local at international fans.

 

Pagkatapos namang pumirma sa Star Magic noong nakaraang taon, ipinakilala na ring Star Music talents ang BINI ngayong 2021. Gaya ng brother group nilang BGYO, dalawang taon ding nag-training ang BINI sa ilalim ng Star Hunt Academy, na hinahanda at hinahasa ang iba’t ibang talents na gustong maging international star.

 

Huwag palampasin ang “BINI: The Launch” ngayong Hunyo 4 at 11, 6 PM (Philippine time) sa KTX.PH. Kumuha ng updates tungkol sa BINI at sundan ang BINI_ph sa Facebook, Twitter, Instagram, at Tiktok, at mag-subscribe na sa official YouTube channel nilang BINI TV.

 

PHOTOS

DOWNLOAD ALL 4 PHOTOS FROM THIS ARTICLE