News Releases

English | Tagalog

Jodi gaganap na Pinay "Doctor Foster" sa "The Broken Marriage Vow" ng ABS-CBN

May 07, 2021 AT 03:48 PM

Jodi is the Pinay "Doctor Foster" in ABS-CBN's "The Broken Marriage Vow"

Jodi is joined by Zanjoe, Sue, and Zaijian in the cast of the iconic global drama's Philippine remake, "The Broken Marriage Vow."

Ipinakilala na ng ABS-CBN Entertainment ang prime Kapamilya actress na si Jodi Sta. Maria bilang ang lead star sa Pinoy remake ng hit BBC global drama na “Doctor Foster,” na kikilalanin sa Pilipinas sa titulo nitong “The Broken Marriage Vow.”
 
Matapos gampanan ang sari-saring papel na nagmarka sa mga manonood, isa na namang mapanghamong karakter ang bibigyang buhay ni Jodi - si Dra. Jill Ilustre – ang katumbas ni Gemma Foster sa Pinoy serye. Halos na kay Jill na ang lahat sa personal na buhay man o trabaho, pero babaliktad ang mundo niya sa oras na matuklasan niyang pinagtataksilan siya ng kanyang asawa kasama ang isang mas batang babae.
 
Makakatambal naman ni Jodi ang isa sa pinakamahuhusay na aktor sa TV at pelikula ngayon, si Zanjoe Marudo na gaganap bilang si David Ilustre, ang Pinoy Simon Foster. Tila perpekto si David sa mata ng kanyang asawa at anak, ngunit siya rin ang sisira ng kanyang pamilya dahil sa mga kasinungaling itinatago niya.
 
Kaabang-abang naman ang dadalhing gulo ni Sue Ramirez bilang si Lexy Lucero, ang magiging Kate Parks ng Pilipinas at ang kabit na wawasak sa pagsasama nina Jill at David. Mapusok at mayaman si Lexy at hindi nagpapapigil sa pag-ibig kahit na ito ay para sa isang pamilyadong lalaki.
 
Si Zaijian Jaranilla ang kukumpleto sa main cast ng “The Broken Marriage Vow” at gaganap na Gio Ilustre o Pinoy Tom Foster. Siya ang kaisa-isang anak nina Jill at David at magiging biktima ng masalimuot na kwento ng pag-ibig ng kanyang mga magulang.
 
Ipagkakatiwala naman ang direksyon ng serye kay Concepcion Macatuno, na kilala sa palalahad ng iba’t ibang kwento ng kababaihan sa kanyang mga pelikula. Ngayon naman, bibigyang buhay ni Direk Connie ang kwento ng isang babaeng gagawin ang lahat para maprotektahan ang lahat ng mahalaga sa kanya.
 
Ang “The Broken Marriage Vow” ang ikaanim na local adaptation ng “Doctor Foster” kasunod ng mga bersyon nito sa France, Russia, Turkey, India, at South Korea, kung saan pinangalanang highest rated cable TV drama ang “The World of the Married.”
 
Abangan sina Zanjoe, Sue, Zaijian, at Jodi sa “The Broken Marriage Vow” sa ilalim ng produksyon ng Dreamscape Entertainment na ipapalabas sa iba’t ibang ABS-CBN platforms.