News Releases

English | Tagalog

Paghihiganti ni Erich sa "La Vida Lena," inaabangan na

June 30, 2021 AT 02:52 PM

Pinananabikan na ngayon pa lang ng mga manonood ang showdown sa tarayan at simula ng paghihiganti ng karakter ni Erich Gonzales sa ABS-CBN teleseryeng “La Vida Lena” na napapanood gabi-gabi sa Kapamilya Channel, A2Z, at TV5.
 
Ipinasilip sa unang episode ng serye ang bago at magandang mukha ni Lena (Erich) pagkatapos ng isang matagumpay na plastic surgery na ginawa ni Ramona (Janice De Belen). Sa pagtutulungan nilang dalawa, papagbagsakin ni Lena ang mga Narciso, ang pamilyang nang-api sa kanya at nagdala ng sunod-sunod na hirap, pati na ang negosyong inaalagaan nila.
 
Ngayon pa lang, pinanggigigilan na rin ng viewers ang mga umaapi kay Lena kabilang na si Rachel (Sofia Andres), ang maganda nitong kaklaseng laging nanlalait at nakikipagkumpitensya sa kanya.
 
Sabi ng Twitter user na si @whatsupjared, “In fairness, naiirita agad ako sa mga bashers ni Magda. Wala pa bang bardagulan? Emz. Congratulations, Erich! Also to the whole team! Love the pilot kahit mabilis sa A2Z but surely aabangan ng tao ito.”
 
Sabi naman ni @staytogether_ac, “Grabe, I like the power, angst, and positivity of Magda. You go, gurl!!! Ngayon pa lang I like this drama naaaa!!!” Para kay Twitter user @thenameisserace, “Pilot episode pa lang palaban si Magda. Mukhang mag bago na naman kaiinisan gabi-gabi sa pangbubully sa kanya. #LaVidaLena #LVLSimulaNgLaban”
 
Komento naman ni Mateo Altamirano sa YouTube, “Napanood ko na to nung November pa lang. Kaya pala na-cut na sya sa iWant kasi ilalagay sa primetime. Worth it ‘yung teleserye na ‘to. Lalo na sa revenge scenes niya. Excited nako sa part ng paghihiganti niya.” Sabi naman ni Jerick Sualibio, “Another series na mage-empower sa kababaihan! How I love to see that.”
 
Sa pagpapatuloy ng kwento, mabubuo na ang koneksyon sa pagitan ni Lena o dating Magda sa mga Narciso dahil una siyang makakatikim ng kalupitan kay Vanessa (Agot Isidro) sa panlalait nito sa itsura niya. Dahil sa ugali ng mga ito, tatanggihan ni Magda ang alok ng mga Narciso na ibenta sa kumpanya nila ang formula ng produktong sabon niya – bagay na magdadala sa dalaga ng sunod-sunod na paghihirap sa kamay ng makapangyarihang pamilya.
 
Subaybayan ang paghihiganti ni Lena sa “La Vida Lena” gabi-gabi, 10 PM sa Kapamilya Channel, A2Z, TV5, at Kapamilya Online Live sa YouTube channel at Facebook page ng ABS-CBN Entertainment. I-rescan lang ang anumang digital TV box na ginagamit sa bahay, gaya ng TVplus box, para mapanood ito sa TV5 at A2Z. Mapapanood din ang episodes nito sa iWantTFC at sa The Filipino Channel (TFC) sa cable at IPTV para sa viewers sa labas ng Pilipinas.
 
Para sa updates, sundan ang @abscbnpr sa Facebook, Twitter, at Instagram o bisitahin ang www.abs-cbn.com/newsroom.