News Releases

English | Tagalog

Erich na-'ghost,' binuntis ni Kit sa "La Vida Lena"

July 14, 2021 AT 01:56 PM

Durog ngayon ang puso ni Magda (Erich Gonzales) pagtapos siyang iwan ni Miguel (Kit Thompson) nang nagdadalang-tao sa Kapamilya teleseryeng “La Vida Lena” na napapanood gabi-gabi sa Kapamilya Channel, A2Z, at TV5.
 
Kumpirmadong buntis si Magda ilang linggo matapos ang isang mapusok na gabing pinagsaluhan nila ni Miguel. Ngunit pagkatapos nito, nawala nang parang bula ang binata at hindi na nagpakitang muli.
 
Nagtagumpay nga si Miguel sa pagmamanipula kay Magda dahil sinabotahe niya ang plano nitong ibenta ang formula ng produkto nitong sabon sa ibang kumpanya. Ito ay para mapilitan si Magda na makipag-partner na lang sa kumpanya ng kaaway nitong ni Vanessa Narciso (Agot Isidro).
 
Sa kabila ng pagdadalamhati ni Magda, makakahanap siya ng kakampi sa best friend niyang si Jordan (Carlo Aquino) na matagal nang diskumpyado sa totoong intensyon ni Miguel.
 
Hindi naman magtatagal ay madidiskubre ni Magda na kamag-anak ni Miguel ang mga kaaway niyang mga Narciso at niloko lamang siya nito.
 
Subaybayan ang paghihiganti ni Lena sa “La Vida Lena” gabi-gabi, 10 PM sa Kapamilya Channel, A2Z, TV5, at Kapamilya Online Live sa YouTube channel at Facebook page ng ABS-CBN Entertainment. I-rescan lang ang anumang digital TV box na ginagamit sa bahay, gaya ng TVplus box, para mapanood ito sa TV5 at A2Z. Mapapanood din ang episodes nito sa iWantTFC at sa The Filipino Channel (TFC) sa cable at IPTV para sa viewers sa labas ng Pilipinas.
 
Para sa updates, sundan ang @abscbnpr sa Facebook, Twitter, at Instagram o bisitahin ang abscbnpr.com.