News Releases

English | Tagalog

Jane, may tinatagong sikreto sa "Huwag Kang Mangamba"

July 23, 2021 AT 03:18 PM

Isang misteryosong dalagang bagong salta sa bayan ng Hermoso ang gagampanang karakter ni Jane Oineza sa pagpasok niya sa teleseryeng “Huwag Kang Mangamba” na napapanood sa Kapamilya Channel, A2Z, at TV5.

Darating si Rose (Jane) ngayong Biyernes (Hulyo 23) upang mamasukan bilang nurse ng tatay ni Father Seb (Enchong Dee) na may malubhang sakit. Kay Rose muna ipagkakatiwala ni Father Seb ang kanyang ama habang abala siya sa pagpapatayo ng simbahan sa tulong nina Mira at Joy (Andrea Brillantes at Francine Diaz).

Makikilala naman nina Mira at Joy si Rose bilang isang mabait na babaeng mapapalapit kay Barang (Sylvia Sanchez) dahil buong buhay rin niyang inaalagaan ang sariling inang mayroon ding mental health condition.

Samantala, manganganib naman ang church construction project nina Mira, Joy, at Father Seb dahil sa pagtutol rito ng mga taga-Hermoso. Nagkakalat kasi ang pekeng faith healer na si Deborah (Eula Valdes) ng impormasyon tungkol sa madilim na nakaraan ni Father Seb bilang isang dating kriminal at lasenggo.

Tuluyan na nga bang ipapatigil ang pagpapatayo ng simbahan? Ano ang totoong pakay ni Rose sa Hermoso?

Kumuha ng pag-asa at inspirasyon sa panonood ng “Huwag Kang Mangamba” gabi-gabi sa Kapamilya Channel, A2Z, TV5, Kapamilya Online Live, iWantTFC, WeTV, at iflix. I-rescan lang ang anumang digital TV box na ginagamit sa bahay, gaya ng TVplus box, para mapanood sa TV5 at A2Z ang mga bagong episode ng “Huwag Kang Mangamba.” Para sa viewers sa labas ng Pilipinas, mapapanood ito sa The Filipino Channel sa cable at IPTV.

Para sa updates, sundan ang @abscbnpr sa Facebook, Twitter, at Instagram o bisitahin ang www.abs-cbn.com/newsroom.