News Releases

English | Tagalog

Bangayan nina Jodi at Sue sa "The Broken Marriage Vow," ipinasilip

July 09, 2021 AT 12:46 PM

Agad na natakam ang netizens sa sagutan nina Jodi Sta. Maria at Sue Ramirez bilang mga karakter nila sa table read ng upcoming ABS-CBN teleserye na “The Broken Marriage Vow.”

Ang mga eksenang ito raw ang excited nang gawin nina Jodi at Sue, na gaganap bilang sina Dra. Jill Ilustre at Lexy Lucero, ang asawa at kabit ni David Ilustre (Zanjoe Marudo) sa Pinoy remake ng hit BBC drama series na “Doctor Foster.”

“Nakaka-excite ‘yung script reading na nangyari. Gusto ko ‘yung pagkikita ni Lexy at tsaka ni Dra. Jill,” sabi ni Jodi sa video na inilabas ng ABS-CBN Entertainment at Dreamscape Entertainment. “It was a good run and I know na ang dami pang pwedeng gawin, ang dami pang pwedeng laruin doon sa mga character.”

Para naman kay Sue, “Alam naman yata ng lahat kung sino si sexy Lexy. She is the other woman. Meron akong isang scene in particular that I’m very excited to do. It’s the scene kung saan nalaman na ni Lexy, through Jill, that she’s pregnant.”

Ipinasilip din sa video ang isa pang paboritong eksena ni Jodi – ang komprontasyon nila ni Zanjoe kung saan harap-harapang itatanggi ni David kay Jill na mayroon siyang ibang babae.

“Nagmamahal siya ng dalawang tao at ‘yun ‘yung magiging problema ng pamilya namin at ng mga tao sa paligid namin,” saad ni Zanjoe na excited din sa mga preparasyon nila sa show.

Dagdag naman ng direktor ng serye na si Connie Macatuno, unti-unti nang nabubuo ang konsepto ng serye, pati na rin ang mga pagkakadugtong-dugtong ng mga karakter sa bawat isa.

Nakasama rin sa cast table read sina Zaijian Jaranilla, Susan Africa, Ronnie Lazaro, Empress Schuck, Bianca Manalo, Angeli Bayani, Rachel Alejandro, Joem Bascon, Brent Manalo, at Jane Oineza. Mapapanood din sa serye sina Art Acuña, Ketchup Eusebio, Malou Crisologo, Franco Laurel, Sandino Martin, Jojit Lorenzo, Kate Alejandrino, Jie Anne Armero, Migs Almendras, Avery Clyde, at JB Agustin.

Ang “The Broken Marriage Vow” ay gagawin sa ilalim ng produksyon ng Dreamscape Entertainment at ipapalabas sa iba’t ibang platforms ng ABS-CBN.