News Releases

English | Tagalog

'Pangako Sa 'Yo' ng KathNiel pinalabas muli sa Ecuador

August 25, 2021 AT 11:14 AM

ABS-CBN's 'Pangako Sa 'Yo' airs anew in Ecuador

This is the second time that the Spanish-dubbed series has earned a license for a run on TC Televisión

Patuloy ang pag-arangkada ng mga programa ng ABS-CBN sa iba't ibang dako ng mundo dahil ang 2015 remake ng teleserye nitong "Pangako Sa 'Yo" na pinagbidahan nina Daniel Padilla at Kathryn Bernardo, pinalabas muli sa Ecuador sa free TV network nitong TC Televisión.   

Kilala sa pamagat nitong "La Promesa" sa Latin America at global naman bilang "The Promise," binigyan ng panibagong lisensya ang nasabing teleserye para makapag-ereng muli sa TC Televisión simula noong Marso 2021, matapos itong unang ipalabas mula Abril hanggang Agosto 2020.   

Tampok ang tambalang KathNiel, ginampanan nila ang mga karakter nina Yna at Angelo, dalawang magkasintahang tatahakin ang lahat para sa kanilang pagmamahalan kahit mamagitan sa kanila ang matinding sigalot ng kani-kanilang mga pamilya.       

Maliban sa Ecuador, pinanood din ito ng madla sa Peru sa Panamericana Televisión at isa sa pinakamalaking TV network sa Dominican Republic na Color Visión. Naging hit din ito worldwide matapos ipalabas sa 22 na bansa.        

Pinalabas din sa Ecuador ang ilan pang teleserye ng Kapamilya network, kabilang ang "Dahil May Isang Ikaw" at "Bridges of Love" bilang patunay sa inisyatibo nitong ihatid ang mga programa nito saan man sa mundo.       

Noong 2020, mas pinalawak pa ng ABS-CBN ang paghahatid ng mga 16 na palabas nito hindi lang sa Latin America, kundi pati na rin sa Africa, at Asya. Kabilang dito ang "FPJ's Ang Probinsyano," "Kadenang Ginto," "The General's Daughter," at marami pa. Kamakailan din ay kinilala rin sa Malaysia ang adaptation nito ng "Tayong Dalawa," na pinamagatang "Angkara Cinta" na naging most-watched show sa Astro Prima Channel noong 2020.           

Mapapanood pa rin ang mga Kapamilya program sa cable TV sa Kapamilya Channel at Jeepney TV, pati na sa free TV sa A2Z at TV5. Palabas din ang mga ito online sa Kapamilya Online Live, iWantTFC, Netflix, WeTV, at iFlix.           

Bisitahin lamang ang https://www.abs-cbn.com/internationalsales/about para sa karagdagang detalye.