News Releases

English | Tagalog

Hit serye nina Jodi, Iza, at Maricel, mapapanood na sa Netflix

August 05, 2021 AT 03:59 PM

Mas maraming manonood ang may pagkakataong tunghayan ang serye na tinangkilik ng mga Pilipino noong 2020 sa madula nitong kwento at hinangaang pagganap ng mga bida dahil palabas na ang "Ang Sa Iyo Ay Akin" sa international streaming app na Netflix sa pamagat na “The Law of Revenge.” 

Ang seryeng pinagbidahan nina Jodi Sta. Maria, Iza Calzado, Sam Milby, at Maricel Soriano ay ang kauna-unahang serye nag-premiere at ipinalabas nang buo sa digital sa Kapamilya Online Live sa Facebook at YouTube. Ito rin ang unang serye ng ABS-CBN na ipinalabas sa Kapamilya Channel.  

Gumanap si Jodi bilang si Marissa na umako sa aksidenteng krimen na nagawa ng matalik na kaibigan na si Ellice, na ginampanan naman ni Iza, kapalit ng salaping makakatulong sa pag-ahon sa kahirapan ng kanyang pamilya. Pero dahil sa masalimuot na sinapit ni Marissa sa preso, kanyang ibinintang ang lahat kay Ellice. Nang siya ay makalaya, sinumpa nitong kukunin ang lahat ng pag-aari ni kaibigan.   

Bukod kina Jodi, Iza, at Maricel, kasama rin sa cast sina Joseph Marco, Rita Avila, Simon Ibarra, Grae Fernandez, at Kira Balinger.   

Naging viral at top trending topic ang mga matindi nitong eksena tulad ng harapan ng mga karakter. Ito rin ay naging most-watched show sa iWantTFC. Kalaunan, pinalabas rin ito sa A2Z Channel 11 at TV5, kasama ng iba pang palabas mula sa ABS-CBN. 

Mula sa JRB Creative Production, ang "Ang Sa Iyo Ay Akin" ay nag-premiere noong Agusto 17 at umabot nang dalawang yugto.