News Releases

English | Tagalog

ABS-CBN, binuksan ang "Kapamilya YOUniverse" sa YouTube

August 09, 2021 AT 02:35 PM

Mas pinalakas at mas pinalaki ang Kapamilya experience sa YouTube sa paglulunsad ng “Kapamilya YOUniverse,” ang pagsasama-sama ng mga paboritong YouTube channel ng ABS-CBN para magpalabas ng mga bago at sari-saring content simula ngayong Agosto.
 

 

Mag-subscribe na sa YouTube channels ng Star Cinema, Star Music, MOR Entertainment, ABS-CBN News, at ABS-CBN Entertainment para ma-enjoy ang mga minahal na palabas ng ABS-CBN hanggang sa bagong original shows na ekslusibong ginawa para sa YouTube, live concerts, pinakahuling balita at impormasyon, interactive programs, at song playlists.

 

Sa Star Cinema YouTube channel, mas makikilala pa ng “He’s Into Her” fans ang mga iniidolo nilang bida sa exclusive interviews nila sa “He’s Into Her Extras” at sa behind-the-scenes documentary tungkol sa pagbuo ng hit online series na “He’s Into Her: The Journey.”

 

Bubuksan din ng Star Cinema ang “Secret Movie Files,” kung saan ipinapaliwanag kung paano ginawa ng mga direktor ang pinaka-hindi malilimutang eksena sa malalaking Star Cinema movies. Tampok sa unang episodes nito sina Kathryn Bernardo, Daniel Padilla, at Direk Cathy Garcia-Molina.

 

Makaka-jamming din ng fans ang mga paborito nilang artists sa Star Music YouTube channel. Libreng live concerts ang hatid ng “Gold School,” tampok ang sariling bersyon nila ng sikat na OPM songs, at ang “The Music Room,” kung saan magpapabilib ang iba’t ibang OPM artists sa pagpe-perform ng kanilang hits.

 

Kung naghahanap naman ng karamay, nariyan ang relatable na kwentuhan at musika sa MOR Entertainment YouTube channel. Napapakinggan dito ang “Dear MOR” kung saan nakikipagbalitaktakan sina Popoy at Betina Briones sa mga kaMORkada tungkol sa mga tunay na kwento ng pag-ibig, lungkot, at saya na ipinadala sa kanila. Mayroon ding tuloy-tuloy na tugtugan sa “MOR Playlist” at usapang relasyon at buhay sa “Bedtime Stories,” “Confessions,” at “Gapnud sa Kinabuhi.”

 

Para naman sa mga gustong maging updated sa balita mula umaga hanggang gabi, makakakuha ng walang patid na news updates at impormasyon sa ABS-CBN News YouTube channel ngayong Agosto.

 

Hindi naman mahuhuli ang mga Kapamilya sa Pilipinas na naghahanap ng tuloy-tuloy na saya dahil sa ABS-CBN Entertainment YouTube channel, matatagpuan ang 24/7 livestreaming ng Kapamilya Online Live ng mga bago at lumang entertainment shows pati na movies.

 

Bukod pa riyan, buwan-buwan ding maglalabas ng mga teleseryeng naka-English dubbing at Pinoy blockbuster movies na may English subtitles ang ABS-CBN Entertainment para sa mga manonood sa loob at labas ng Pilipinas.

 

Simula lamang ito ng mga sorpresang hatid ng ABS-CBN dahil mas marami pang bagong shows at experiences ang ipapakilala sa Kapamilya YOUniverse ngayong buwan.

 

Ang Kapamilya YOUniverse ang isa sa mga bagong proyektong inilunsad ng ABS-CBN para patuloy na makasama ang mga Kapamilya at makapaghatid sa kanila ng saya, inspirasyon, at balita. Patunay lamang ito ng unti-unti nitong pag-transition ng ABS-CBN sa pagiging isang digital company na patuloy na lumalawak ang online presence at dumadami ang digital properties.

 

Tumuloy na sa Kapamilya YOUniverse sa YouTube at mag-subscribe sa Star CinemaStar MusicMOR EntertainmentABS-CBN News, at ABS-CBN Entertainment.