News Releases

English | Tagalog

Joross at Roxanne, dobleng kilig at kulitan ang hatid sa "Hoy, Love You Two" ng iWantTFC

September 01, 2021 AT 01:47 PM

Mapapanood na simula Setyembre 11

Dodoblehin nina Joross Gamboa at Roxanne Guinoo-Yap ang kulitan at kilig sa kanilang pagsasama habang hinaharap ang mga bagong pagsubok ng kanilang pamilya sa iWantTFC original series na “Hoy, Love You Two,” na mapapanood ngayong Setyembre 11.

Excited ang bagong kasal na sina Jules at Marge (Joross at Roxanne) na bumuo sa wakas ng isang masayang pamilya sa kabila ng mga hindi pagkakaunawaan sa kani-kanilang mga anak at biyenan.

Magsusumikap si Jules na maipatayo ang dream house ni Marge sa kagustuhan niyang mabigyan ng maayos at komportableng buhay ang asawa at mga anak. Abala man sa negosyo nila, gagawin naman ni Marge ang lahat upang ipakita ang suporta niya sa mister kahit naisasantabi ang sarili niyang pangangailangan at ang paglalambing niyang magkaroon sila ng baby.

Dadaan sa matinding pagsubok ang mag-asawa dahil sa magiging kliyente nilang si Mica (Ritz Azul), isang sexy at magandang kaibigan ni Jules. Pagseselosan ni Marge ang lumalalim na samahan ng dalawa at walang kamalay-malay na motibo talaga ni Mica na agawin ang kanyang asawa.

Hindi lang si Mica ang poproblemahin nina Jules at Marge dahil hindi rin nila makakasundo ang kanilang mga anak. Dagdag pa rito ang pangungulit at pangmamaliit ng nanay ni Marge na si Elizabeth (Carmi Martin) at ang ex-boyfriend niyang si Richard (Dominic Ochoa) na parehong tutol na kay Jules para kay Marge sa simula pa lang ng kanilang relasyon.

Masusubukan din ang namumuong pagmamahalan nina Kara at Charles (Karina Bautista at Aljon Mendoza) dahil magiging hadlang sa relasyon ng dalawa ang istriktong Lolo Bruno (Lou Veloso) ng dalaga.

Malalagpasan kaya nina Jules at Marge ang mga pagsubok para makabuo ng isang masayang pamilya?

Maghahatid din ng saya at kilig sa “Hoy, Love You Two” sina Brenna Garcia, TJ Valderrama, Pepe Herrera, Yamyam Gucong, Hasna Cabral, at Keanna Reeves.

Idinirek ni Theodore Boborol ang “Hoy, Love You Two” na mapapanood na simula Setyembre 11 sa iWantTFC app (iOs at Android) o sa iwanttfc.com. Libre itong napapanood sa Pilipinas, habang available naman ito sa premium subscribers sa labas ng Pilipinas.

Mapapanood ang pagsisimula ng love story ng byudong si Jules at single mom na si Marge sa unang season ng “Hoy, Love You” tuwing Sabado, 9:30 PM sa Kapamilya Channel, A2Z, at Kapamilya Online Live sa ABS-CBN Entertainment YouTube channel at Facebook page. Napapanood din ang lahat ng episodes nito sa iWantTFC.

Mapapanood din ang iWantTFC sa mas malaking screen sa piling devices gaya ng VEWD, ROKU streaming devices, Android TV, piling Samsung Smart TV models, Telstra TV (available lamang sa Australia) para sa users sa labas ng Pilipinas, at VIDAA para sa piling mga bansa. Available na rin ang iWantTFC via Chromecast at Airplay. Para sa kumpletong listahan ng compatible devices, sign in instructions, at account activation, bisitahin ang https://iwanttfc.com/help#tfc-on-smart-tv.

Para sa updates, i-like ang www.facebook.com/iWantTFC o sundan ang @iwanttfc sa Twitter at Instagram, at mag-subscribe sa www.youtube.com/iWantTFC. Kung may mga katanungan naman, ipadala ang mga ito sa Facebook page ng iWantTFC o mag-e-mail sa support@iwanttfc.com.