News Releases

English | Tagalog

KathNiel may espesyal na 10th anniversary docu sa YouTube

September 24, 2021 AT 02:48 PM

Year-long celebration ng love team kasama ang fans, sisimulan na ngayong Sabado

Isang espesyal at ekslusibong documentary sa YouTube ang regalo nina Kathryn Bernardo at Daniel Padilla sa kanilang fans para markahan ang isang dekada nila ng pagbibigay-saya at kilig bilang ang pinakasikat na love team sa bansa. Sisimulan ng docu na ito ang year-long celebration ng ikasampung anibersaryo ng KathNiel.

Pinamagatang “KathNiel: Isang Dekada,” mapapanood ito ngayong Sabado (Setyembre 25), 6 PM sa “Everyday Kath” YouTube channel (youtube.com/everydaykath) ni Kathryn. Talaga namang made with love ang naturang docu dahil mismong KathNiel ang nag-produce nito.

Dito, babalikan nila kung paano sila nagkamabutihan sa set ng Kapamilya show na “Growing Up,” ang matitinding pinagdaanan nilang dalawa sa likod at harap ng camera, at ang mga aral na napulot nila mula sa mga pelikula at seryeng pinagbidahan nila. Pag-uusapan din ng KathNiel ang naging epekto ng kanilang love team sa mga personal nilang buhay at ang pagbuo nila ng matibay na samahan sa kanilang fans. 

Magkekwento naman ng mga nakakakilig nilang karanasan kasama ang KathNiel sina Direk Cathy Garcia-Molina, screenwriter na si Carmi Raymundo, pati na ang ilan sa mga pinakamalapit nilang mga kapamilya, mga kaibigan, mga katrabaho, at die-hard KathNiel fans.

Marami pang dapat abangang sorpresa mula sa KathNiel dahil isa lamang ang dokumentaryong ito sa mga inihahanda nilang sorpresa para sa fans na patuloy na nagmamahal at sinusuportahan ang kanilang love team.

Patuloy rin ang selebrasyon ng ABS-CBN dahil mapapanood pa rin sa YouTube channels ng ABS-CBN Entertainment at Star Cinema ang mga pelikula ng KathNiel tulad ng “Barcelona: A Love Untold,” “Must Be Love,” at “She’s Dating the Gangster,” Spanish-dubbed episodes ng teleseryeng “Pangako Sa ‘Yo,” at ang “Secret Movie Files” kung saan ipinapaliwanag nila kung paano nabuo at kinunan ang mahahalagang eksena sa “Gangster.”

Huwag kalimutang gamitin ang official hashtag na #KathNielIsangDekada habang nanonood ng “KathNiel: Isang Dekada” ngayong Sabado (Setyemebre 25), 6 PM sa YouTube channel na “Everyday Kath.”

Para sa updates, sundan ang @abscbnpr sa Facebook, Twitter, Instagram, at TikTok o bisitahin ang www.abs-cbn.com/newsroom.