News Releases

English | Tagalog

Mobile Legends heroes, magkaisa kaya laban sa kasamaan sa "Legends of Dawn: The Sacred Stone"?

September 30, 2021 AT 05:28 PM

Isang matinding labanan sa pagitan ng kabutihan at kasamaan ang masasaksihan sa huling powerful episode ng “Legends of Dawn: The Sacred Stone” ang pinakaunang animated series mula sa Mobile Legends: Bang Bang, ngayong Linggo (Oktubre 3), 7 PM sa Kapamilya Channel at A2Z.

 

Nalagay sa kapahamakan ang buhay nina Claude at Fanny pagkatapos ng engkwentro nila kay Alice, ang sakim na reyna ng mga blood demon na hinahanap ang Sacred Stone kay Claude. Sa kabila nito, unti-unti namang nagkakalapit sa isa’t isa sina Claude at Fanny pagkatapos ng mga paulit-ulit na habulan nila sa Capitol.

 

Ngunit nananatiling watak-watak ang legendary heroes. Nanggagalaiti kasi sa galit si Clint pagkatapos siyang arestuhin nina Tigreal at Harith ng Imperial Knights dahil sa pag-aakalang siya ang nagnakaw ng Sacred Stone.

 

Sa pagpapatuloy ng kwento ngayong weekend, maghahanda na ang buong kaharian para sa isang enggrandeng selebrasyon. Wala naman silang kaalam-alam na isang malagim na plano ang inihanda ni Alice para ipakita ang bagsik niya sa lahat.

 

Sa kabila ng mga hindi pagkakaunawaan nina Claude, Fanny, at iba pang legendary heroes, magkasundo at magkaisa kaya sila para pigilan ang paghahasik ng lagim ni Alice?

 

Abangan ang huling powerful episode ng “Legends of Dawn: The Sacred Stone,” base sa patok na mobile game na Mobile Legends: Bang Bang, ngayong Linggo (7 PM), sa Kapamilya Channel at A2Z Channel 11. I-rescan lang ang anumang digital TV box na ginagamit sa bahay, gaya ng TVplus box, para mapanood sa A2Z ang serye sa Metro Manila, sa ilang malalapit na probinsya, at sa Eastern Visayas.

 

Para sa updates, sundan ang @abscbnpr sa Facebook, Twitter, Instagram, at TikTok o bisitahin ang www.abs-cbn.com/newsroom.