News Releases

English | Tagalog

Ian Veneracion, bagong kaibigan o kaaway sa bagong yugto ng "Huwag Kang Mangamba"

September 08, 2021 AT 05:22 PM

Sisibol ang pag-asa sa Kapamilya teleseryeng “Huwag Kang Mangamba” sa pagbubukas ng bagong yugto nito tampok ang pagpasok ng mga karakter nina Ian Veneracion, Andrea Del Rosario, Richard Quan, Nash Aguas, Vivoree Esclito, at Andi Abaya ngayong Setyembre.
 
Malapit nang makikilala ng mga manonood si Elias (Ian), ang misteryosong lalaking mapapalapit kay Mira (Andrea Brillantes) sa bagong mundong gagalawin nito pagkatapos mawalay mula sa kapatid na si Joy (Francine Diaz).
 
Magdedesisyon kasi si Mira na umalis ng Hermoso at magsimula ng bagong buhay matapos malayo ang loob nila sa isa’t isa ni Joy dahil sa rebelasyong patay na ang nanay nila.
 
Ipinakita rin sa bagong trailer na inilabas ng ABS-CBN Entertainment na mapapadpad si Mira sa isang enggrandeng bahay, kung saan makikilala niya ang grupo ng mga ampong pamamahalaan ng malditang si Thelma (Andrea del Rosario) at ni Armand (Richard Quan). Makakasama ni Mira sa bagong kabanata ng buhay niya sina Apollo (Nash Aguas), Freya (Vivoree Esclito), at Mikay (Andi Abaya).
 
Sa simula ay mainit siyang sasalubungin ng mga ito, ngunit dahan-dahang madidiskubre ni Mira ang mga kaduda-dudang gawain ng grupo at ang kalupitang dinadanas nila sa kamay ni Thelma.
 
Dahil naman sa pagkawala ni Mira, sisisihin nina Joy, Barang (Sylvia Sanchez), at mga kakampi nila ang pekeng faith healer na si Deborah (Eula Valdes) at aakusahang ito ang nagpa-kidnap sa dalaga.
 
Mawawalay na ba nang tuluyan sina Mira at Joy sa isa’t isa? Ano ang naghihintay kay Mira sa bagong mundo niya? Ano ang magiging papel ni Elias sa buhay ni Mira?
 
Kumuha ng pag-asa at inspirasyon sa panonood ng “Huwag Kang Mangamba” gabi-gabi sa Kapamilya Channel, A2Z, TV5, Kapamilya Online Live, iWantTFC, WeTV, at iflix. I-rescan lang ang anumang digital TV box na ginagamit sa bahay, gaya ng TVplus box, para mapanood sa TV5 at A2Z ang mga bagong episode ng “Huwag Kang Mangamba.” Para sa viewers sa labas ng Pilipinas, mapapanood ito sa The Filipino Channel sa cable at IPTV.
 
Para sa updates, sundan ang @abscbnpr sa Facebook, Twitter, Instagram, at TikTok o bisitahin ang www.abs-cbn.com/newsroom.