News Releases

English | Tagalog

Zaijian, maiipit sa hidwaan ng mga magulang sa "The Broken Marriage Vow"

January 13, 2022 AT 03:43 PM

Si Zaijian Jaranilla ang magiging biktima ng nabubulok na pagsasama ng kanyang mga magulang sa ABS-CBN drama series na “The Broken Marriage Vow,” ang Philippine adaptation nf “Doctor Foster” na mapapanood na sa Enero 24.

Mahalagang papel ang gagampanan ni Zaijian bilang si Gio Ilustre dahil ipapakita nito ang lalim ng sakit na dinadanas ng mga anak kapag nasisira ang kanilang pamilya ng pagtataksil.

Magsisimula ang karakter ni Gio na masaya at busog sa pagmamahal ng kanyang mga magulang na sina Jill at David (Jodi Sta. Maria at Zanjoe Marudo). Dahil nag-iisang anak si Gio, gagawin niya ang lahat para protektahan ang kanilang pamilya. 

“Si Gio Ilustre ay isang mabait na anak, masipag, at tsaka mapagmahal sa kanyang mga magulang. Madaming nangyayari sa buhay ni Dra. Jill pero pag nandiyan si Gio, siya lang ang nakakapagpakalma kay Jill. Sobrang close kami ng dad ko, sobrang komportable namin sa isa’t isa,” pagbabahagi ni Zaijian.

Pero magbabago ang lahat ng ito kapag natuklasan na ni Gio na may kabit si David at matagal na itong inililihim sa kanila. Dahil dito, lubos na maaapektuhan ang relasyon ni Gio kina Jill at David. 

“Nabibigay lahat ng mga magulang niya ‘yung kailangan niya, hanggang sa na-discover niya na unti-unti nang nawawarak ‘yung pamilya niya. Unti-unti mong makikita sa mga mata niya na nawawala na ‘yung ilaw, ‘yung ligaya noong habang buo pa ‘yung pamilya niya,” sabi ni Zaijian.

Sa paglalim ng hidwaan sa pagitan nina Jill at David, maiipit si Gio sa pagitan nilang dalawa at mapipilitang pumili kung sino sa kanila ang kakampihan, kahit na ang gusto lamang niya ay maging buo sila.

“Feeling ko po ‘yung mga tao din na nanggaling sa broken family, mas maiintindihan nila, mapapasabi sila ng ‘ah, oo, pinagdaanan ko ‘yun nung bata ako,” sabi ng aktor.

Mapapanood ang “The Broken Marriage Vow,” ang Philippine adaptation ng “Doctor Foster,” ngayong Enero 22 sa iWantTFC, dalawang araw bago ito ipalabas sa TV. Subaybayan ito simula Enero 24, 8:40 PM sa Kapamilya Channel, TV5, A2Z, Kapamilya Online Live sa ABS-CBN Entertainment YouTube channel at Facebook page, at TFC.

Kasama rin sa cast ng “The Broken Marriage Vow” sina Jane Oineza, Angeli Bayani, Bianca Manalo, Ketchup Eusebio, Rachel Alejandro, Art Acuña, Empress Schuck, Joem Bascon, Brent Manalo, Malou Crisologo, Franco Laurel, Sandino Martin, Lao Rodriguez, Jet Gaitan, Jie Anne Armero, Migs Almendras, Avery Clyde, at JB Agustin, kasama ang special participation nina Susan Africa at Ronnie Lazaro.

Kinunan nang buo sa Baguio ang “The Broken Marriage Vow” sa direksyon nina Concepcion Macatuno at Andoy Ranay. 

Para sa updates, sundan ang @abscbnpr sa Facebook, Twitter, Instagram, at TikTok o bisitahin ang www.abs-cbn.com/newsroom.