News Releases

English | Tagalog

Jodi tuturuan ng leksyon sina Zanjoe at Sue sa "The Broken Marriage Vow"

January 14, 2022 AT 03:55 PM

Maninindigan si Jodi Sta. Maria para sa tama pagkatapos siyang lokohin ng asawa niya sa ABS-CBN drama series na “The Broken Marriage Vow,” ang Philippine adaptation ng “Doctor Foster” na mapapanood na simula Enero 24.

Mahaba ang tatahakin ng karakter ni Jodi na si Dra. Jill Ilustre mula sa isang pagiging mapagmahal na asawa at ina hanggang sa mapuno ito ng paghihiganti at galit.

“Si Dr. Jill Ilustre ay isang babae na binibigyang halaga ang kanyang pamilya. Mapagmahal na ina, maasikasong asawa, compassionate na tao in the sense na she really cares for the patients na meron siya. ‘Yung pagkatao niya na naka-anchor sa love, which is what makes her character relatable,” sabi ni Jodi.

Ang pagiging maprinsipyo ang isa sa mga pinakamahalagang katangian ni Jill, kaya’t kapag may nakikita siyang mali ay pinipilit niya itong itama.

“Passionate siya when it comes to fighting for the people she loves and for the things she values,” sabi ni Jodi. “She’s always calm and collected but she wants to show dominance and control over any situation,” kwento ni Jodi.

Pero hindi perpekto ang buhay ni Jill. Masisira ang lahat sa oras na malaman niyang pinagtataksilan siya ng mister na si David (Zanjoe Marudo) kasama ang mas batang kabit nitong si Lexy (Sue Ramirez). Mapapagitna naman sa away nilang mag-asawa ang nag-iisa nilang anak ni David na si Gio (Zaijian Jaranilla)

Dahil sa prinsipyong pinanghahawakan ni Jill, pilit niyang ibabalik ang dignidad na nawala sa kanya at gagawin ang lahat para makapaghiganti sa mga taong sumira ng buhay niya.

Mapapanood na ang kaabang-abang na pagganap ni Jodi bilang si Jill sa “The Broken Marriage Vow” ngayong Enero 22 sa iWantTFC, dalawang araw bago ito ipalabas sa TV. Subaybayan ito simula Enero 24, 8:40 PM sa Kapamilya Channel, TV5, A2Z, Kapamilya Online Live sa ABS-CBN Entertainment YouTube channel at Facebook page, at TFC.

Kasama rin sa cast ng “The Broken Marriage Vow” sina Jane Oineza, Angeli Bayani, Bianca Manalo, Ketchup Eusebio, Rachel Alejandro, Art Acuña, Empress Schuck, Joem Bascon, Brent Manalo, Malou Crisologo, Franco Laurel, Sandino Martin, Lao Rodriguez, Jet Gaitan, Jie Anne Armero, Migs Almendras, Avery Clyde, at JB Agustin, kasama ang special participation nina Susan Africa at Ronnie Lazaro.

Kinunan nang buo sa Baguio ang “The Broken Marriage Vow” sa direksyon nina Concepcion Macatuno at Andoy Ranay.

Para sa updates, sundan ang @abscbnpr sa Facebook, Twitter, Instagram, at TikTok o bisitahin ang www.abs-cbn.com/newsroom.