News Releases

English | Tagalog

“The Broken Marriage Vow” pinuri at pinanggigilan ng media, bloggers, at fans

January 19, 2022 AT 12:57 PM

Inulan ng papuri ang Kapamilya drama series na “The Broken Marriage Vow” mula sa entertainment media, bloggers, at fans na nakapanood na ng unang episodes nito sa isang virtual screening, kaya naman dumami pa ang naging excited sa pag-ere nito ngayong paparating na Lunes (Enero 24).
 
Umani ng magagandang salita ang bagong serye ng ABS-CBN, partikular na ang nakakagigil na performances ng cast nitong pinangungunahan nina Jodi Sta. Maria at Zanjoe Marudo, nakakatensyong mga eksena, at ang proudly Pinoy outfits at pagkain na bidang bida rito.
 

Tinawag ni Kate Adajar ng RandomRepublika.com na isang “visual treat” ang serye. Sabi naman ni Jeng Bauto ng Showbiznest.com, “Walang sayang. Lahat ng scenes kaabang-abang!”
 
Pinuri naman ni Philstar.com entertainment editor Deni Bernardo ang chemistry nina Jodi at Zanjoe, ang paggamit ng mga damit na nilikha ng Filipino designers, at ang pagtampok ng serye sa ganda ng Baguio at Rice Terraces. Base sa mga napanood niya, mukha raw isang “world-class production” na maipagmamalaki ng mga Pilipino ang seryeng ito.
 

Ayon naman sa entertainment photographer at vlogger na si Allan Sancon, para raw siyang nanood ng isang pelikula at sinabing, “Nakaka-THRILL ‘yung bawat eksena. Nakakagigil ang karakter ni Zanjoe at nakakatakot mag-imbestiga si Jodi bilang si Dr. Jill Illustre! It was fun and I’m excited to watch ‘yung mga susunod na mangyayari!”
 
Bumilib din si Jayson Laluna ng Certified Kapamilya sa pagganap ni Jodi, pati na sa inilapat na musika sa mga eksena na aniya ay “kapit na kapit sa tono ng series.”
 
Iikot ang kwento ng “The Broken Marriage Vow” kay Dra. Jill Ilustre (Jodi). Masisira ang buhay niya sa oras na malaman niyang pinagtataksilan siya ng mister na si David (Zanjoe) kasama ang mas batang kabit nitong si Lexy (Sue Ramirez). Mapapagitna naman sa away nilang mag-asawa ang nag-iisa nilang anak ni David na si Gio (Zaijian Jaranilla)
 
Unang mapapanood ang serye ngayong Sabado (Enero 22) sa iWantTFC at Viu, dalawang araw bago ito ipalabas sa TV. Subaybayan naman ito simula Enero 24, 8:40 PM sa Kapamilya Channel, TV5, A2Z, Jeepney TV, Kapamilya Online Live sa ABS-CBN Entertainment YouTube channel at Facebook page, at TFC.
 
Kinunan nang buo sa Baguio ang “The Broken Marriage Vow,” ang Philippine adaptation ng “Doctor Foster,” sa direksyon nina Concepcion Macatuno at Andoy Ranay.
 
Para sa updates, sundan ang @abscbnpr sa Facebook, Twitter, Instagram, at TikTok o bisitahin ang www.abs-cbn.com/newsroom.