News Releases

English | Tagalog

Erich mapapadapa na ba si Raymond sa huling linggo ng "La Vida Lena"?

January 31, 2022 AT 06:57 PM

Ano ang naghihintay kay Lena (Erich Gonzales) ngayong buhay pa ang pinakatuso niyang kaaway – ang sariling ama niyang si Lukas (Raymond Bagatsing)? Tunghayan ang huling linggo ng paghahanap niya ng hustisya sa Kapamilya teleseryeng “La Vida Lena” sa Kapamilya Channel, A2Z, at TV5.
 
Sa pag-iimbestiga ni Lena kay Adrian (JC De Vera), nadiskubre niyang pineke lang ni Lukas ang pagkamatay nito bago pinamanahan si Lena ng isang kumpanyang lubog sa utang. Madadagdagan pa ang kalbaryo ni Lena ngayong nakumpirma niyang buhay pa nga si Lukas at nakipagsabwatan lang ito kay Adrian para tumakas ng bansa at maisalba ang kayamanan nito.
 
Bago pa nito, nagdesisyon na si Lena na isalba ang Royal Wellness at ang mga empleyado nito pagkatapos mapahamak ang buhay ng best friend niyang si Jordan (Carlo Aquino) dahil sa kumpanya.
 
Tuloy-tuloy naman ang paghihiganti ni Lena. Nakahanda na rin ang bitag niya para sa oportunistang si Miguel (Kit Thompson) dahil yayayain niya agad itong magpakasal sa kanya.
 
Samantala, napadapa na rin ni Lena si Vanessa (Agot Isidro) dahil nasira na ang iniingatan nitong mukha at ganda. Nag-boomerang kasi kay Vanessa ang kasamaan niya dahil mukha niya ang nabuhusan ng asido na dapat sana ay para kay Lena.
 
Ano kaya ang pinaplano ni Lena para kay Miguel, Adrian, at Lukas? Anong klaseng karma ang naghihintay sa mga kaaway niya?
 
Subaybayan ang huling linggo ng “La Vida Lena” mula Lunes hanggang Biyernes, 10 PM sa Kapamilya Channel, A2Z, TV5, at Kapamilya Online Live sa YouTube channel at Facebook page ng ABS-CBN Entertainment. I-rescan lang ang anumang digital TV box na ginagamit sa bahay, gaya ng TVplus box, para mapanood ito sa TV5 at A2Z. Mapapanood din sa labas ng Pilipinas sa pamamagitan ng iWantTFC at The Filipino Channel (TFC) sa cable at IPTV ang “La Vida Lena.”
 
Para sa updates, sundan ang @abscbnpr sa Facebook, Twitter, Instagram, at TikTok o bisitahin ang www.abs-cbn.com/newsroom.