News Releases

English | Tagalog

ABS-CBN Foundation, umagapay sa mga biktima ng Bagyong Paeng

November 11, 2022 AT 11:11 AM

Patuloy ang pagtanggap ng donasyon para sa Operation Paeng

 

Sa pakikipag-ugnayan sa mga tanggapan ng lokal na pamahalaan at civic groups, namahagi ang ABS-CBN Foundation Inc. (AFI) ng mga relief packs at hygiene kit sa 27,000 na indibidwal o 5,400 na pamilya sa iba’t ibang bahagi ng Luzon, kasama na rito ang mga residente ng Barangay Pagyaba sa Masantol, Pampanga.

Ani ng isang residente sa isang panayam sa "TV Patrol," hindi pa rin humuhupa ang baha sa kanilang lugar, kung kaya’t labis ang pag-aalala ng mga magulang sa kalusugan at kaligtasan ng mga anak.

Sa tulong ng Municipal Social Welfare and Development (MSWD) Office ng Masantol, matagumpay na namahagi ang AFI ng mga sako ng bigas at mga de-lata sa mga apektadong residente.

Umagapay din ang AFI sa 400 evacuees sa Kawit, Cavite na nawalan ng tirahan at kabuhayan dahil sa bagyong Paeng.

Tiniyak ng AFI managing director Berta Lopez-Feliciano sa publiko na laging magsisikap ang ABS-CBN Foundation na tumulong sa mga nangangailangan. Aniya, “Huwag kayong mawalan ng pag-asa kasi maski na hindi kami nandyan kaagad, makakarating pa rin kami. Tutulong kami hanggang kaya namin.”

Nagpasalamat rin si Ernie Lopez, ang Director of Advocacy ng AFI, sa tiwalang ibinigay sa kanila ng mga donors. Aniya, “Lahat ng mga pinapamigay namin galing din sa taumbayan. Nireredistribute lang naman namin yung mga binibigay sa amin. Nagpapasalamat kami pinagkakatiwalaan kami na i-distribute yung goods.”

Sa kasalukuyan, natulungan na ng ABS-CBN Foundation ang mga pamilya sa Sariaya, Quezon (200), Masantol, Pampanga (800), Nagcarlan, Laguna (400), Magdalena, Laguna (400), Infanta, Quezon (381), Real, Quezon (619), Mulanay, Quezon (800), Gumaca, Quezon (566), Atimonan, Quezon (234), Novelita, Cavite (600), at Kawit, Cavite (400).

Tumatanggap pa rin ng cash donations ang ABS-CBN sa pamamagitan ng kanilang mga awtorisadong bank account. Ang mga in-kind na donasyon ay tinatanggap din sa pamamagitan ng ABS-CBN Foundation Sagip Kapamilya Warehouse. Hinihikayat ang mga donor na tawagan muna ang bodega bago ihulog ang kanilang in-kind na donasyon sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan kay Arian Acebedo o Pat Salonga (09695196436).

Para sa karagdagang detalye, bisitahin ang Facebook at Instagram account ng ABS-CBN Foundation. Para sa iba pang balita, sundan ang @ABSCBNPR sa Facebook, Twitter, at Instagram, o bisitahin ang www.abs-cbn.com/newsroom.