News Releases

English | Tagalog

Bagong Thai BL series na "Never Let Me Go," hatid ang aksyon at kilig sa iWantTFC

December 07, 2022 AT 10:04 AM

New Thai BL series "Never Let Me Go" brings romantic action to iWantTFC

As their friendship blossoms into something deeper, can Neungdiao and Palm commit to protect one another amidst the looming threats to their lives?

Sabay na mapapanood sa Thailand simula Disyembre 13

Umaapaw na aksyon at kilig ang hatid ng pinakabagong Thai boys’ love (BL) series na “Never Let Me Go,” na mapapanood nang libre sa Pilipinas sa iWantTFC sa Disyembre 13 ng 9:30 PM (Manila time) kasabay ng airing nito sa Thailand. 

Tampok sa romantic action drama ang tambalan ng Thai stars na sina Naravit Lertratkosum at Phuwin Tangsakyuen. Ipapalabas ang bagong episodes kada Martes sa original Thai language, habang available naman ang Filipino-dubbed episodes kada Biyernes ng 8:30 PM (Manila time) simula Disyembre 23. 

Susundan ng “Never Let Me Go” ang komplikadong buhay at samahan ni Neungdiao (Phuwin) kay Palm (Naravit), ang gwapo niyang bodyguard na unti-unting magpapatibok ng kanyang puso. 

Galing sa isang mayaman na pamilya si Neungdiao dahil sa kanyang tatay na nagmamay-ari ng maraming negosyo. Ngunit isang trahedya ang sasapit sa kanilang pamilya nang patayin ang tatay ni Neungdiao. Dahil dito, mabubulgar ang sikretong mga negosyo ng kanya ama, na hindi alam nina Neungdiao at nanay nitong si Tanya (Rasee Watcharapolme), dahil isa pala siyang lider ng mafia ng mga iligal na casino at drug trafficking ring. 

Sa kabila ng pambu-bully kay Neungdiao sa eskwelahan dahil sa masamang reputasyon ng kanyang ama, mapipilitan si Tanya na ituloy ang mga iligal na negosyo ng kanyang asawa. Malalagay naman sa panganib ang kanilang buhay dahil sa kanilang mga kasosyo, kabilang dito si Supakit (Nat Sakdatorn), ang tito ni Neungdiao na gustong makialam sa kanilang negosyo. 

Para protektahan ang kanilang pamilya, kukunin nila bilang bodyguard ni Neungdiao si Palm, ang anak ng matagal nang katiwala ng ama ni Neungdiao. Mangangako si Palm na gagawin niya ang lahat upang protektahan si Neungdiao sa kanilang mga kalaban at unti-unti na ring mahuhulog ang loob nila sa isa’t isa. 

Hanggang saan ang kayang isakripisyo nina Neungdiao at Palm para sa isa’t isa kapag parati na lang nasa panganib ang kanilang buhay kapag magkasama sila?

Bukod sa “Never Let Me Go,” napapanood pa rin nang libre sa iWantTFC ang iba pang Thai series tulad ng “F4 Thailand Boys Over Flowers,” “Bad Buddy,” “Baker Boys,” “2gether,” “Still 2gether,” “Theory of Love,” “Dark Blue Kiss,” “A Tale of Thousand Stars,” at “The Shipper.”

Mapapanood nang libre sa Pilipinas ang “Never Let Me Go” simula Disyembre 13 ng 9:30 PM (Manila time) sa iWantTFC app (iOs at Android) o website (iwanttfc.com).

Mas madali nang manood sa iWantTFC gamit ang "watch now, no registration needed" feature nito. Mapapanood din ang iWantTFC sa mas malaking screen sa piling devices gaya ng VEWD, ROKU at Amazon Fire streaming devices, Android TV, piling Samsung Smart TV models, Telstra TV (available lamang sa Australia) para sa users sa labas ng Pilipinas, at VIDAA para sa piling mga bansa. Available na rin ang iWantTFC via Chromecast at Airplay. Para sa kumpletong listahan ng compatible devices, sign in instructions, at account activation, bisitahin ang https://bit.ly/iWantTFC_TVDevices.

Para sa updates, i-like ang www.facebook.com/iWantTFC o sundan ang @iwanttfc sa Twitter at Instagram, at mag-subscribe sa www.youtube.com/iWantTFC. Kung may mga katanungan naman, ipadala ang mga ito sa Facebook page ng iWantTFC o mag-e-mail sa support@iwanttfc.com.