News Releases

English | Tagalog

Unang live concert ni Gigi De Lana ngayong March 5 na

February 11, 2022 AT 11:58 AM

Gigi De Lana stages first live concert on March 5

"Gigi De Lana and The Gigi Vibes Domination" concert will be happening at the Newport Performing Arts Theater and will also be streaming live on ktx.ph.

Magaganap sa Newport Performing Arts Theater

Bibida na sa kanyang sariling concert ang singing sensation na si Gigi De Lana na nakatakdang gawin ang “Gigi De Lana and The Gigi Vibes: Domination” event live sa Newport Performing Arts Theater sa Resorts World Manila sa darating na March 5 (Sabado).

Ito na nga ang kauna-unahang live show mula sa ABS-CBN Events na tatanggap ng mga manonood sa mismong venue simula nang magsimula ang COVID-19 pandemic noong 2020 para sa todo-todong concert experience. Sanib-pwersa ang ABS-CBN Events at Resorts World Manila bilang co-producer ng “Domination.”

Mapapanood din ito sa KTX.ph sa April 23 (Saturday) para na rin sa kasiyahan ng dumaraming Pinoy fans ni Gigi at ng kanyang banda na The Gigi Vibes sa buong mundo.

Hatid ni Gigi at ng banda hindi lang ang kanilang talento sa musika kungdi pati na rin ang kanilang kwelang samahan na tiyak na magpapasaya sa mga manonood. Syempre ka-abang-abang ang kanilang fresh repertoire na hindi pa naririnig sa kanilang online gigs.

Isa sa breakthrough stars ng 2021 si Gigi na bumida sa YouTube Music Night at naging tampok sa 1MX Dubai noong Disyembre. Sa pagpasok ng 2022, inilunsad na rin niya ang kanyang self-titled debut album tampok ang hit song na “Sakalam.” Siya rin ang nagbigay-buhay sa “Nasa’yo Ako” na official soundtrack ng “Viral Scandal” at “Bakit Nga Ba Mahal Kita” na OST naman ng “Hello Heart.”

Mabibili na ang “Domination” tickets para sa Newport Performing Arts Theater sa halagang P8,000 (platinum), P7,000 (SVIP), P6,000 (VIP), P5,000 (gold), P3,500 (silver), at P1,500 (bronze). Samantala, available naman sa www.ktx.ph ang online access sa April 23 sa halagang P695 (SVIP), P495 (VIP), at P195 (regular).

Makisaya sa “Gigi De Lana and The Gigi Vibes: Domination” concert ngayong March 5 (Sabado) sa Newport Performing Arts Theater o abangan ito online sa www.ktx.ph sa April 23 (Saturday).
Para sa updates, sundan ang @abscbnpr sa Facebook, Twitter, Instagram, at TikTok o bisitahin ang www.abs-cbn.com/newsroom.

PHOTOS

DOWNLOAD ALL 2 PHOTOS FROM THIS ARTICLE