News Releases

English | Tagalog

'Art Smart' ng Knowledge Channel, naghandog ng anniversary treat sa mga bata

March 11, 2022 AT 05:02 PM

Knowledge Channel's 'Art Smart' celebrates 1st anniversary

Kids can join in the fun with Teacher Precious in "Art Smart," with new episodes airing live weekly every Friday, 11 AM on Knowledge Channel's Facebook page and Kumu's SeenZone Channel

Abangan ang bagong episode ng 'Art Smart' live tuwing Biyernes sa Facebook at Kumu

Nagsagawa kamakailan ng espesyal na art workshop ang "Art Smart" ng Knowledge Channel sa mga bata bilang pagdiriwang sa kauna-unahang anibersaryo ng programang layong magturo ng arts and crafts sa mga estudyante nang libre online.

Sa unang pagkakataon, nakasama ng host nitong si Teacher Precious Gamboa ang mga bata sa Zoom para makapagturo ng art lessons sa anniversary special ng programa.

Aniya, mas damang-dama niya ang saya at mas nagiging personal ang kanyang pagtuturo kapag nakakasama niya mismo ang kanyang mga estudyante.

Sa kabila ng mga hamong idinulot ng pandemya sa pag-aaral ng mga bata, hindi ito naging hadlang para kay Teacher Precious na makapagturo pa sa mas nakararaming estudyante at matulungan sila sa pagiging malikhain dahil napapanood ang "Art Smart" online sa Facebook page ng Knowledge Channel at SeenZone Channel ng Kumu.

Ika pa ni Teacher Precious, importante ang arts and crafts sa kabataan, pati sa mga matatanda, bilang uri ng self-expression at maipadama ang kanilang mga nararamdaman sa kasagsagan ng pandemya.

Sa tema nitong "My Art Smart Journey," isa sa naging highlight ng programa ang paggawa ng kani-kanilang 3D gallery. Gamit ang mga pangkulay at ilang colored paper, sabay-sabay ginawa  ng mga bata ang kanilang mini art project tampok ang mga paborito nilang likhang natutunan sa "Art Smart."

Nakipag-usap din si Teacher Precious sa guest teacher na si Teacher Rizalina Plan ng Malabon Elementary School para magbahagi ng kanyang karanasan at mga natutunan sa pagtuturo sa mga chikiting ng arts and crafts.

Inilunsad ng Knowledge Channel ang programa bilang bahagi ng kampanya nitong School at Home para tulungang maging malikhain ang mga bata at isulong ang importansya ng self-expression sa pamamagitan ng mga masasayang art activity.

Nakatulong din ang programa sa mga guro sa kanilang pagtuturo ng importansya ng sining sa bawat batang Pilipino.

Maaaring makisali ang mga chikiting sa lingguhang art workshop ni Teacher Precious sa "Art Smart" tuwing Biyernes, 11 ng umaga sa official Facebook page ng Knowledge Channel at sa SeenZone Channel ng Kumu.

Mapapanood din ang mga nagdaang episode nito sa Knowledge Channel sa cable, direct to home satellite at digital TV (DTT) tuwing Martes, Huwebes, at Sabado sa ganap na 4 ng hapon.

Bisitahin din ang www.knowledgechannel.org para sa karagdagang educational materials at mga updates patungkol sa Knowledge Channel.