News Releases

English | Tagalog

Dating "PBB" housemates, Gigi, Dimples, tampok sa bagong online shows ng ABS-CBN

April 12, 2022 AT 08:17 AM

Tatlong bagong YouTube shows ang handog ng ABS-CBN bilang parte ng kanilang “Made for YouTube” experience upang patuloy na magbigay saya, aliw, at aral sa lahat ng manonood ngayong Abril.

Alamin kung paano makakatipid sa mga gamit sa bahay sa tutorial show na “Dude-It-Yourself” kasama ang hosts na sina dating “PBB” housemates Ella Cayabyab at Lou Yanong at dating miyembro ng MNL48 na si Sela Guia. Napapanood ito tuwing Biyernes sa Metro.Style YouTube channel kung saan ibinabahagi rin ng ilang eksperto mula sa Pinoy ‘DIY’ community ang ilang mga payo pagdating sa pagre-renovate. 

Maki-food trip kasama ang TikTok star na si Mr. Batts sa “Foodie Bestie” kung saan magtuturo siya ng mga madidiskarteng paraan sa pagluto ng paboritong ulam ng mga Pinoy. Maging bida sa kusina at gawing swak sa panlasa ng buong pamilya ang simpleng handaan sa episodes na ipinapalabas kada Huwebes sa Metro.Style YouTube channel.

Pwede namang maki-jamming ang viewers sa music show na “One Music Live,” kung saan haharanahin sila ng iba’t ibang musikero tulad nina Gigi de Lana, Shanti Dope, Matthaios, Benedix Ramos, at JuanThugs n' Harmony. Magiging available ito kada Martes simula sa Abril 26 sa One Music PH YouTube channel. 

Samantala, bagong episodes ng parenting tips ang mapapanood sa “Parent Experiment” sa Abril 22 kasama sina Mika Pajares, Donna Cariaga, John Adajar, at Dimples Romana. Bahagi ito ng bagong “Yey Fam Time” ng Yey YouTube channel, kung saan itatampok ang mga palabas na pwedeng panoorin ng buong pamilya. 

Patuloy naman napapanood ang iba pang “Made for YouTube” shows sa Star Cinema YouTube channel. Nagbabalik ang TikTok sensation na si Esnyr Ranollo para sa mga nakakatawa niyang parody ng “He’s Into Her” sa “Star Cine-Mashup Presents: Esnyr” sa Abril 21 at tuloy-tuloy ang kilig nina Donny Pangilinan, Belle Mariano, at ang buong ‘bearkada’ sa “HIH Extras 2” na napapanood tuwing Lunes.

Mae-enjoy ang mga “Made for YouTube” shows na ito kapag nag-subscribe sa YouTube channels ng ABS-CBN Entertainment Star Cinema, Metro Channel, and One Music PH.