News Releases

English | Tagalog

Gigi De Lana, Jordan Andrews, at Shanti Dope, tampok sa pagbabalik ng "One Music Live"

May 10, 2022 AT 01:58 PM

"One Music Live" returns with performances from Gigi De Lana, Jordan Andrews, and Shanti Dope

The performance videos are now up on One Music PH YouTube channel.

Napapanood na sa One Music PH YouTube channel!
 
Sa unang pagkakataon simula nang magka-pandemya, ibinabalik ng One Music PH ang long-running online live music show series nitong “One Music Live” tampok ang performances nina Gigi De Lana, Jordan Andrews, at Shanti Dope.
 
Kasunod ng debut album niya kasama ang The Gigi Vibes band at matagumpay nilang “Domination” concert series, magpapasiklab uli si Gigi sa pag-awit ng “Bakit Nga Ba Mahal Kita” ni Roselle Nava sa “One Music Live.” Isa sa mga ‘di malilimutang covers ng pop-rock diva ang impromptu niyang pag-awit sa kanta na siya ring pinagmulan ng "Bakit Nga Ba Mahal Kita" vocal challenge.

 
Samantala, handog naman ng “Pinoy Big Brother Kumunity Season 10” celebrity housemate na si Jordan ang acoustic spin sa megahit ni Sam Concepcion na “Diwata,” na unang ginamit sa Miss Universe Philippines 2021 pageant. Isa si Jordan sa mga magagaling na singers sa kanyang batch sa “PBB” at ilang beses na ring nakapag-perform sa “ASAP Natin ‘To.”

 
Mapapanood din sa stage ng “One Music Live” ang young rap phenom na si Shanti Dope kasama ang kapwa rap prodigy na si HELLMERRY sa performance nila ng collab nilang “Loaded”—patok sa modernong hip-hop fans at tumatalakay sa kanilang lifestyle fantasies. Kahit 21-anyos pa lang, nakatanggap na ng maraming pagkilala si Shanti at mayroon na ring mahigit 200 million streams sa YouTube para sa mga hits niyang "MAU," "Nadarang," at "Amatz," na ginamit pa sa isang episode ng “Falcon and the Winter Soldier” series ng Marvel.

 
Mahaba na ang listahan ng mga mahuhusay na artists na nakapagpamalas ng kanilang talento sa “One Music Live” gaya ng IV of Spades, Ben&Ben, Typecast, Silent Sanctuary, Hale, December Avenue, Callalily, Janine Berdin, Kitchie Nadal, at marami pang iba.
 
May mga upcoming performances naman sina Keiko Necesario, Benedix Ramos, Cesca, Janah Zaplan, Jikamarie, Juan Thugs, Matthaois, at iba pa sa “One Music Live” na bahagi ng “Made For YouTube” projects ng ABS-CBN.
 
Panoorin ang performances nina Gigi, Jordan, at Shanti sa “One Music Live” sa One Music PH official YouTube channel! Para sa updates, sundan ang @OneMusicPH sa Facebook, Twitter, at Instagram o bisitahin ang www.onemusic.ph.