News Releases

English | Tagalog

KathNiel muling makakasama ang mga batikang direktor sa special dokyu na "2 Good 2gether"

May 11, 2022 AT 08:11 PM

Muling makakasama ng premier loveteam ng bansa na sina Kathryn Bernardo at Daniel Padilla ang kinikilala nilang mga ina sa industriya na sina Cathy Garcia- Molina, Mae Cruz Alviar, at Olivia Lamasan sa "2 Good 2gether: A Special Reunion" documentary na mapapanood ngayong Mayo 12 (Huwebes) sa ABS-CBN Entertainment YouTube channel.

 

Sa pagpapatuloy ng pagdiriwang ng KathNiel ng ika-sampung taon nilang anibersaryo, babalikan ng dokyu ang mga pinagdaanan ng loveteam kasama ang tatlong batikang direktor sa loob ng sampung taon.

 

Malaking bahagi ng KathNiel loveteam ang tatlong batikang director na nasa likod ngilan nilang blockbuster films sa nakalipas na sampung taon.

 

Kinikilig ang netizens sa teaser ng documentary kung saan inamin ni Direk Cathy na hanggang ngayon ay hindi niya alam kung kailan naging magkasintahan ang dalawa.Tanong niya kina Kathryn at Daniel,"So wala pang kasal?"

 

Natanong din ni Direk Mae kung may panghihinayang o pinagsisihan sina Kathryn at Daniel. Sinagot naman ito ni Kathryn, "Sana mas nagtiwala ako sa sarili ko matagal na."

 

Inalala naman ni Inang ang unang pagkikita nila ni Daniel. "Una ko silang na-direk sa 'Pangako Sa Yo.' Si DJ parang tadpole," sabi ni Inang. Sumakay naman si DJ sa biro, "Paki-zoom in nga po. Am I tadpole?"

 

Bilang mga ina ang tingin nina Daniel at Kathryn sa tatlong box-office directors, tinanong din ng dalawa kung naniniwala pa ang tatlo sa kanila at kung tama pa rin ba ang kanilang nilalandas.

 

Huwag palampasin ang reunion ng KathNiel kasama ang tatlo sa mga batikang direktor ng industriya sa "2 Good 2gether: A Special Reunion," na proyekto ng Made For YouTube sa Mayo 12 (Huwebes), 8PM sa ABS-CBN Entertainment YouTube channel.