News Releases

English | Tagalog

BINI at BGYO, makakasama ang K-Pop girl group na Red Velvet sa “Be You” benefit show sa July 22

May 19, 2022 AT 12:16 PM

Tuloy-tuloy lang sa pagpapakita ng talentong Pinoy ang P-Pop groups na BINI at BGYO na parehong magpe-perform sa “Be You” benefit show na gaganapin sa Mall of Asia Arena sa Hulyo 22 (Biyernes).
 
Mapapanood sa event na inilarawan bilang kakaibang selebrasyon para sa mga taong may special needs sina Aiah, Colet, Maloi, Gwen, Stacey, Mikha, Jhoanna, at Sheena ng BINI at Gelo, Akira, JL, Mikki, at Nate ng BGYO.
 
Handog ng In Purpose International Training Institute Inc. (IPITI) ang “Be You: The World Will Adjust” kung saan mapapanood din ang sikat na K-Pop girl group na Red Velvet at iba pang local artists. Wala pang detalye kung paano makakakuha ng ticket para sa event.
 
Isang linggo bago ang “Be You” event, mapapanood din ang BINI at BGYO kasama ang iba pang P-pop groups sa inaabangang Tugatog Filipino Music Festival na gaganapin din si MOA Arena sa darating na Hulyo 15 (Biyernes).
 
Samantala, handog ng BINI ang bagong YouTube series na “BINI Roadtrip Adventures” na mapapanood na sa BINI Official YouTube channel simula Mayo 19, 8PM. Tampok sa palabas ang BINI members na iikot at magpapakilala sa iba’t ibang lugar sa bansa gaya ng Binondo, Intramuros, Luneta, at National Museum sa Maynila, Pateros, Marikina, at Baguio habang nagfu-food trip, gumagawa ng challenges, at nagpe-perform.
 
Naging busy din ang BGYO na nag-perform sa mall show para sa “He’s Into Her” season 2, kung saan inawit nila ang theme song na “Best Time.” Nag-perform din sa mall show si BINI Mikha na kasama sa serye bilang si Elle, na sinuportahan naman ng BINI members sa kanyang unang solo stint.
 
Abangan ang BINI at BGYO sa “Be You” event sa Hulyo 22 (Biyernes), 7PM sa Mall of Asia Arena. Para sa updates, sundan ang BINI_ph at BGYO_ph sa Facebook, Twitter, at Instagram, at mag-subscribe sa kanilang YouTube channels na BINI Official at BGYO Official.

PHOTOS

DOWNLOAD ALL 3 PHOTOS FROM THIS ARTICLE