News Releases

English | Tagalog

Anji, ibinahagi ang puso sa debut album at unang solo concert

May 04, 2022 AT 01:00 PM

“Kasingkasing Dalampasigan” EP, nag- #1 sa iTunes Philippines
 
Unti-unting gumagawa ng pangalan sa industriya ng musika si Anji Salvacion matapos ang tagumpay ng kanyang unang digital concert at debut EP na “Kasingkasing Dalampasigan.”

 
Inilabas ng singer-songwriter ang EP niya isang araw bago sumalang sa kanyang “Feels: The Concert” noong April 30, kung saan inawit niya rin ang lahat ng mga kanta sa album para sa kanyang ‘Sunshines.’
 
Dinadala ng “Kasingkasing Dalampasigan” ang mga tagapakinig sa iba’t ibang pakiramdam ng pagmamahal at nagbibigay din ng pangaral na ang pag-ibig ay nagsisimula at nagtatapos sa iyong sarili. Si Star Pop head Rox Santos ang nagprodyus nito.
 
Bukod sa “Dalampasigan” na isinulat ni Anji, kasama rin sa EP ang “Love You Like Crazy” na komposisyon din niya kasama ang kapwa young artist na si SAB, pati na ang “Happier Without Me,” “Best Mistake,” “Hindi Madali,” at “Kung Sabagay.”
 
Pagkatapos itong i-release, nag-number 1 sa iTunes Philippines Top Albums Chart ang EP ni Anji at nakapwesto rin sa #41 sa parehong chart sa Spain. Lahat din ng mga kanta sa album ay nakapasok sa Top Songs Chart ng iTunes Philippines kung saan naging top 2 ang “Love You Like Crazy,” top 3 ang “Best Mistake,” top 4 ang “Happier Without Me,” top 6 ang “Kung Sabagay,” top 7 ang “Hindi Madali,” at top 9 ang “Dalampasigan.”
 
Samantala, nakapagtala na rin ng libu-libong views ang music video at lyric video ng “Dalampasigan” sa YouTube, na umabot na sa 232,000 at 475,000. Sa Spotify naman, meron na itong mahigit 880,000 streams.

 
Hinirang si Anji bilang isa sa top 2 housemates ng “Pinoy Big Brother Kumunity Season 10” celebrity edition at napapanood din sa “ASAP Natin ‘To” bilang isa sa ‘New Breed of Singers.’
 
Pakinggan ang puso ni Anji sa “Kasingkasing Dalampasigan” EP na available na sa iba’t ibang digital streaming platforms. Para sa iba pang detalye, sundan ang Star Pop sa Facebook (www.facebook.com/starpopph) at sa Twitter at Instagram (@starpopph).
 

PHOTOS

DOWNLOAD ALL 3 PHOTOS FROM THIS ARTICLE