News Releases

English | Tagalog

ABS-CBN, may hatid na paalala para sa maayos at ligtas na “Halalan 2022”

May 07, 2022 AT 08:06 AM

ABS-CBN offers reminders for voters for a peaceful and orderly “Halalan 2022”

In separate short videos, ABS-CBN explained what voters should and should not do, the proper way of handling the ballot, and other important guidelines to make the voting process easy and orderly.

Para sa mga botante ngayong pandemya…

Para sa kaligtasan ng milyon-milyong botanteng Pilipino sa “Halalan 2022” ngayong Lunes (Mayo 9) mula 6 am hanggang 7 pm, hatid ng ABS-CBN ang ilang mahahalagang paalala na magsisilbing gabay sa kanilang pagboto ngayong panahon ng pandemya. 

Sa magkakahiwalay na video, inilatag ng ABS-CBN ang mga dapat at hindi dapat gawin ng mga botante sa araw ng eleksyon, ang tamang paggamit sa balota, at iba pang mga bilin upang maging madali at maayos ang darating na halalan.

Sa “Paalala sa Botante: Pag-iingat sa COVID-19” plug, pinapaalalahanan ang lahat na magsuot ng face mask, sumunod sa social distancing, at sumailalim sa temperature check bago pumasok sa voting site. Hindi na raw kailangang magpakita ng COVID-19 vaccine card at negative result sa COVID-19 test. Kung sakaling may lagnat, maaari pa ring makaboto sa nakahandang hiwalay na silid.

Maaari ring makaboto kahit walang ID pero makakatulong na magdala nito ayon sa COMELEC, sabi sa “Paalala sa Botante: Dos and DON’Ts” plug. Pwede ring magdala ng kodigong iboboto sa papel o cellphone. Ipinagbabawal naman ang pagsuot ng damit na may mukha o pangalan ng kandidato. Bawal din gamitin ang cellphone para mag-selfie at mag-video pati na rin ang pagkuha ng video o larawan ng balota.

Sa “Paalala sa Botante: Balota” plug, ipinaalala sa mga botante na tiyaking walang punit, sulat, at hindi pa gamit ang balota.  Hindi ito dapat marumihan at bawal ding sulatan ang ibang bahagi nito o guhitan ang pangalan ng mga hindi iboboto. Tanging ang bilog sa tabi ng pangalan ng iboboto ang pwedeng itiman. Tiyakin na mai-shade ang buong bilog at hindi pwedeng bumoto ng higit sa nakatalagang bilang sa bawat posisyon. Paalala rin sa video na tignan ang likuran ng balota at kumpletuhin ang pagboto.

Gawa ng ABS-CBN Creative Communication Management division, mapapanood ang naturang mga video sa Kapamilya Channel, Kapamilya Online Live, iWantTFC, at sa iba’t ibang Facebook page at YouTube channel ng ABS-CBN.

Bago ito naglabas din sila ng serye ng plugs kung saan ibinahagi ng iba’t ibang Pilipino kabilang ang isang OFW, tindera, tsuper, guro, magsasaka, mangingisda, doktor, at kabataan ang mga katangian na kanilang hinahanap sa mga kumakandidato.  Maglalabas din ang ABS-CBN ng isang video ng panalangin para sa “Halalan 2022” sa darating na Linggo (Mayo 8).

Samantala, handa na ang buong pwersa ng ABS-CBN News para sa “Halalan 2022: The ABS-CBN News Special Coverage” na magsisimula ng 5 am ngayong Lunes (Mayo 9) at magtutuloy-tulong hanggang 12 nn ng Martes (Mayo 10). Tutukan ito online sa ABS-CBN News YouTube channel o news.abs-cbn.com. Mapapanood din ito sa ABS-CBN News Facebook page at TikTok account (@abscbnnews), A2Z, Kapamilya Channel, at Kapamilya Online Live sa Facebook at YouTube, maliban sa timeslot ng “It’s Showtime.”

Para sa ibang balita tungkol sa ABS-CBN, i-follow ang @ABSCBNPR sa Facebook, Twitter, Instagram, at TikTok o bisitahin ang www.abs-cbn.com/newsroom.