News Releases

English | Tagalog

Keifer Sanchez ng TNT Boys, puno ng 'hugot' sa unang single na "Last Reply"

June 15, 2022 AT 03:53 PM

May solo single na rin ang TNT Boys member na si Keifer Sanchez sa emotional ballad na “Last Reply” tungkol sa pagtatapos ng isang long distance relationship.

 
Ngayong 17 anyos na siya, hindi lang sa boses ng “Tawag ng Tanghalan Kids” first-runner up maririnig ang maturity niya kundi pati na rin sa tema ng kanyang single na isinulat niya kasama sina Debbie at Ferdie Mak, ipinrodyus ng Mak Entertainment Services, at ini-release ng Star Music.
 
Ani Keifer, mensahe ng “Last Reply” ang halaga ng pagle-let go. “Kapag nagdesisyon tayo, dapat matutunan nating tanggapin ‘yung outcome nun, maganda man o pangit. Siyempre kasi hindi na rin pwedeng ibahin ‘yun so dapat matuto tayong panindigan at mag-let go para sa happiness natin.”
 
Bilang miyembre ng TNT Boys, nakapag-perform na si Keifer kasama sina Mackie Empuerto at Francis Concepcion sa iba’t ibang bansa gaya ng US, Canada, Italy, United Kingdom, at iba pa. Naging guest na rin sila sa mga international TV shows tulad ng “Little Big Shots” sa UK, US, at Australia, “World’s Best,” at “The Late Late Show with James Corden,” kung saan nakasama pa niyang umawit ang sikat na pop singer na si Ariana Grande.
 
Sa ngayon, isang high school student si Keifer na nago-online classes sa Ateneo de Davao University. Plano niyang ituloy ang pag-aaral sa ibang bansa.
 
Damhin ang sakit ng “Last Reply” at pakinggan ang bagong single ni Keifer sa iba’t ibang digital music platforms at sa ABS-CBN Star Music YouTube channel. Para sa iba pang detalye, i-like ang Star Music sa Facebook (www.facebook.com/starmusicph) at sundan ito sa Twitter at Instagram (@StarMusicPH).

PHOTOS

DOWNLOAD ALL 4 PHOTOS FROM THIS ARTICLE