News Releases

English | Tagalog

Seth ibinunyag kung paano manligaw sa “Kundi Ikaw”

August 03, 2022 AT 12:06 PM

May pangako ng pagmamahal sa babaeng nililigawan niya si Seth Fedelin sa “Kundi Ikaw,” ang bago niyang single matapos mag-focus sa kanyang acting career.
 
Mula sa pananaw ng isang lalaki na nanghaharana ng babae ang “Kundi Ikaw,” kung saan iniisa-isa niya ang mga nagustuhan niya sa babae habang sinisigurado na palagi niya itong mamahalin at papasayahin sakaling sagutin siya nito.
 

Pinaparating din ng kanta kung paanong ang pagiging in love ay nagiging dahilan para maging sentro ng atensyon ng isang tao ang minamahal niya. Si Gabriel Tagadtad ang sumulat, nag-compose, at nag-areglo ng awitin na ipinrodyus ni Star Pop label head Rox Santos.
 
Bago ang “Kundi Ikaw,” inilabas ni Seth ang rendisyon niya ng “Kahit Na Anong Sabihin Ng Iba” na orihinal na awitin ng bandang Unit 406 at nakasama sa OST ng Black Sheep boys’ love (BL) series na “Hello Stranger.” Noong 2021, naging co-writer at ni-record din niya ang “Liligawan Na Kita” kasama si Kyle Echarri para sa album nito.

 
Samantala, bibida naman ang dating “Pinoy Big Brother: Otso” teen housemate sa unang original musical drama series ng iWantTFC na “Lyric and Beat” na mapapanood na simula sa Agosto 10 (Miyerkules). Kabilang din siya sa mga inanusyong main cast ng upcoming serye na “Dirty Linen” kasama sina Zanjoe Marudo, Janine Gutierrez, at Francine Diaz.
 
Magpaharana na kay Seth at pakinggan ang “Kundi Ikaw” sa iba’t ibang digital streaming platforms at sa ABS-CBN Star Music YouTube channel. Para sa iba pang detalye, sundan ang Star Pop sa Facebook (www.facebook.com/starpopph) at sa Twitter at Instagram (@starpopph).
 
Para sa updates, sundan ang @abscbnpr sa FacebookTwitterTikTok, at Instagram o bisitahin ang www.abs-cbn.com/newsroom.

PHOTOS

DOWNLOAD ALL 3 PHOTOS FROM THIS ARTICLE