News Releases

English | Tagalog

ABS-CBN, wagi ng dalawang Silver Quill Awards mula sa IABC Asia Pacific

September 12, 2022 AT 12:08 PM

“Kapamilya Himig Handog,” three-peat ang panalo sa IABC awards programs
 

Panalo ang “Kapamilya Himig Handog” songwriting contest at “Act As If You Have the Virus” internal communications campaign ng ABS-CBN sa prestihiyosong 2022 Silver Quill Awards ng International Association of Business Communicators (IABC) Asia Pacific.

Nakasungkit ng Award of Excellence ang “Kapamilya Himig Handog” na isang employee songwriting contest na dahilan upang makapaglunsad ang Star Music ng “OPM Fresh Songwriters Series Vol. 1” EP tampok ang mga sinulat na kanta ng employee composers na inawit ng sikat na mga singer.

Sa pagkapanalo ng “Kapamilya Himig Handog” ng Silver Quill Award, nakumpleto nito ang three-peat sa IABC international, regional, at local awards programs. Nagwagi na ito ng Gold Quill Award mula sa IABC sa New York at isang Philippine Quill Award mula naman sa IABC Philippines.

Pinarangalan ang proyekto dahil nakatulong ito sa ABS-CBN na makadiskubre ng bagong composers mula sa mga empleyado. Napapakinggan ang mga awiting tinanghal na top entries sa Amazon Music, Apple Music, Deezer, Spotify, at YouTube.

Samantala, wagi rin ng Award of Excellence ang “Act As If You Have the Virus” internal communications campaign ng ABS-CBN na nakakuha rin ng international Gold Quill Award mula sa IABC. Kinilala ag proyekto dahil sa malikhaing paggamit nito ng agaw-pansin mga larawan at mapanghikayat na pananalita para ipaalala sa mga empleyado ang kahalagahan ng pagsunod sa health at safety protocols sa opisina.

Kabilang ang dalawang panalo ng ABS-CBN sa pitong nanalong entries mula sa bansa sa 2022 Silver Quill Awards ng IABC Asia Pacific na layuning kilalanin ang magagaling na proyekto ng communication professionals sa Asia Pacific. Nasa 23 entries ng business communication professionals mula sa Australia, India, at sa Pilipinas ang binigyan ng Award of Excellence ng IABC Asia Pacific.

Para sa iba pang update, i-follow ang @ABSCBNPR sa Facebook, Twitter, Instagram, and TikTok, or visit www.abs-cbn.com/newsroom

PHOTOS

DOWNLOAD ALL 2 PHOTOS FROM THIS ARTICLE