News Releases

English | Tagalog

BINI, hatid ang “Feel Good” na album launch showcase para sa BLOOMs ngayong October 1

September 15, 2022 AT 03:17 PM

 Ikalawang album ng ‘nation’s girl group,’ mapapakinggan na simula September 29
 
Talagang tuloy na tuloy na ang BINI fever dahil handa nang magpasiklab ang all-female P-Pop act sa kanilang bagong album ngayong buwan at album launch showcase sa Oktubre 1 (Sabado) na gaganapin sa SM City North EDSA Sky Dome.
 
Sa intimate event na “Feel Good,” may pagkakataon ang fans ng BINI na BLOOMs na mapanood ang performances, makasama sa masasayang laro, at maka-bonding ang mga miyembro ng BINI.
 
Nabibili na sa ngayon sa SM Tickets ang regular (P500), VIP (P1,200), at SVIP (P1,800) tickets para sa album launch showcase, kung saan kasama na ang entrance pass, physical copy ng upcoming album ng BINI, at poster.
 
Samantala, ang mga VIP at SVIP ticketholder naman ay may chance na makasama sa mga laro ang BINI members na sina Aiah, Colet, Maloi, Gwen, Stacey, Mikha, Jhoanna, at Sheena, habang ang bibili naman ng SVIP tickets ay makakasama rin sila sa isang meet and greet.
 
Bago ang showcase, ilalabas ng BINI ang pre-album release single na "I Feel Good" at music video nito sa Setyembre 22 (Huwebes), na susundan ng kanilang ikalawang album at comeback single at music video sa Setyembre 29 (Huwebes). Mayroong limang orihinal na kanta ang album at dalawang bonus tracks, kasama na ang nauna nang ini-release na single na “Lagi.”
 
Ngayong Setyembre, nakipag-collab din ang tinaguriang ‘nation’s girl group’ sa global cosmetics brand na Maybelline New York sa empowering single na “Made For All,” isang confidence booster na kantang para sa mga nahihiyang yakapin ang kanilang angking ganda. Naging number 1 ito sa iTunes PH at nakasama rin sa New Music Friday editorial playlist ng Spotify Philippines pagka-release nito.
 
‘Wag palampasin ang pagkakataong mapanood nang live ang BINI! Bili na ng ticket para sa kanilang “Feel Good” album launch showcase at abangan ang kanilang ikalawang album. Kumuha ng regular updates sa pag-follow sa BINI_ph sa Facebook, Twitter, Instagram, at TikTok, at pagsu-subscribe sa kanilang official YouTube channel, BINI Official.

PHOTOS

DOWNLOAD ALL 2 PHOTOS FROM THIS ARTICLE