News Releases

English | Tagalog

Mga pelikula nina Vilma, Nora, Dolphy, at FPJ, libreng mapapanood sa Cinema One YouTube

September 21, 2022 AT 12:24 PM

“Haplos,” “My Bugoy Goes to Congress,” at “Tough Guy,” streaming hanggang Dec. 31

Classic movies mula sa bigating artista na sina Vilma Santos, Nora Aunor, Dolphy, at Fernando Poe Jr. ang mapapanood nang libre sa YouTube channel ng Cinema One ngayong ‘Ber’ months.

Kung hanap mo ang kwentong pag-ibig na may kaabang-abang na twist, political satire, o matinding action film, panoorin ang “Haplos,” “My Bugoy Goes to Congress,” at “Tough Guy.”

Sa 1982 classic movie na “Haplos,” maiipit sa isang love triangle ang ‘Star for All Seasons’ na si Vilma Santos kasama sina Christopher De Leon at Rio Locsin, kung saan gaganap na magkasintahang Al at Cristy sina Christopher at Vilma habang isang misteryosong babae sa sementeryo naman na si Auring ang ginampanan ni Rio. Dapat tutukan ang mga rebelasyon sa pelikula, na tiyak ikagugulat ng manonood.

Samantala, bida naman ang ‘King of Comedy’ na si Dolphy sa “My Bugoy Goes to Congress” kasama ang ‘Superstar’ at National Artist for Film and Broadcast Arts na si Nora Aunor, na gaganap bilang reporter na si Cathy. Tampok sa political comedy ang matagumpay na pagtakbo sa Kongreso ni Bugoy sa probinsya matapos ang maraming problemang naranasan niya nang maghanap ng trabaho sa Maynila.

Mapapanood naman ang batang ‘Da King’ sa “Tough Guy” bilang isang juvenile delinquent na naakusahang gumawa ng isang krimen. Kasama rin sa pelikula sina Jose Padilla Jr. bilang pulis na tatay ni FPJ, komedyanteng si Chiquito bilang sidekick niya, at si Paquito Diaz bilang isa sa mga kasamahan niya.

‘Wag palampansin ang mga pelikulang ito sa sa Cinema One YouTube channel hanggang Disyembre 31. Abangan din ang iba pang movie favorites sa cable via Cinema One na mapapanood sa Cignal ch. 45, SKYcable ch. 56, at iba pang local cable service providers. Para sa iba pang impormasyon, sundan ang Cinema One sa FacebookTwitterTikTokYouTube, at Instagram.   Para sa updates, sundan ang @abscbnpr sa Facebook, Twitter, TikTok, at Instagram o bisitahin ang www.abs-cbn.com/newsroom.