News Releases

English | Tagalog

Mga bayan na laging lubog sa baha, bibisitahin ni Noli sa “KBYN: Kaagapay Ng Bayan”

September 09, 2022 AT 12:30 PM

Mga asong kasya sa tasa, itatampok ni Kabayan ngayong Linggo
 

Paano ka nga ba mamumuhay sa tahanan mong araw-araw may baha? 

Ito ang iimbestigahan ni Noli de Castro sa kanyang paglalakbay sa mga bayan ng Hagonoy at Calumpit sa Bulacan, na buong taon lubog sa tubig, ngayong Linggo (Setyembre 11) sa “KBYN: Kaagapay ng Bayan.” 

Dahil sa patuloy na pagbaha, iniwan na ng ilang residente ang kanilang mga tahanan, na mistulang naging “ghost town.” Gayunpaman, mayroon pa ring ilang mga tao na nanatili sa lugar. Aalamin ni Kabayan kung paano ang araw-araw na pamumuhay nila sa kabila ng hindi paghupa ng baha.  

Wala sa bokabularyo ng ating mga kababayan na sina Rochelle Cabanada at Teodolfo Palomeno, Jr. ang salitang pagod. Dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin, kinakailangan nilang mag doble o tripleng kayod. Kung kaya't pinapasok nila ang iba’t-ibang trabaho at raket para sa pantustos araw-araw. 

Nakilala ng “KBYN” si Rochelle, mula sa Quezon City, na siyang punong abala sa pamilya dahil hindi na nakakapagtrabaho ang kanyang asawa matapos mabaril. Nagtitinda siya ng mga lutong almusal at kakanin sa umaga at labandera naman siya sa hapon. Minsan, online seller at repairwoman din siya. Samantala, si Teodolfo, mula sa Cavite, ay 18 na taon nang nagtatrabaho bilang guwardiya. Pero, bukod dito, kilala rin siya bilang magbobote at pintor sa kanyang bayan. 

Itatampok rin sa “KBYN” ang mga asong kasing laki lang ng ating palad na kung tawagin ay teacup dogs o microdogs, na paboritong alagaan rin ng mga artista tulad nina Pokwang, Piolo Pascual, at Charo Santos. Ngunit maseselan ang mga cute na asong ito dahil sa kanilang laki at sukat. Ipapakita ni JC Briones, isang breeder at seller, kung paano ang tamang pag-aalaga sa mga asong ito. 

Tunghayan ang mga kuwentong ito sa “KBYN: Kaagapay ng Bayan”, ngayong Linggo (Setyembre 11) simula 5PM sa A2Z, TeleRadyo, Kapamilya Channel, Kapamilya Online Live, youtube.com/ABSCBNNews at sa news.abs-cbn.com/live