News Releases

English | Tagalog

Darna, nanganganib mahulog sa bitag ni Borgo

January 18, 2023 AT 04:28 PM

Super Soldiers, ginambala ang Nueva Esperanza

Kasangga ang makapangyarihang grupo na tinatawag na Super Soldiers, nakatakda na si Heneral Borgo (Richard Quan) na gawin ang pinakamatinding panlilinlang kay Narda/ Darna (Jane De Leon) para maagaw ang puting bato rito sa hit primetime series na “Mars Ravelo’s Darna.”

Sina Noah (Paolo Gumabao), Andre (Young JV), Mayor Zaldy (Simon Ibarra), Maisha (Dawn Chang), Sigfried (Joshua Colet), Arthur Pineda (Eric Fructuoso), Ishna (Kim Rodriguez), at (Ali) Mark Manicad ang mga sandata na gagamitin in Borgo laban kay Darna.

Dahil sa berdeng kristal na pumasok sa kanilang katawan, kaya nang magmanipula ng apoy ni Noah habang Si Andre ay may abilidad namang magpasabog. May ekstrang lakas at kayang magpalaki ng katawan ni Mayor Zaldy habang si Maisha naman ay may kapangyarihang pagalawin ang mga tao. May control sa basura at iba pang bagay ang dating pulis na si Pineda habang may kakayahan namang gumawa ng force field bilang shield si Sigfried. Aabangan ang magiging transformation ni Ali habang isa namang shapeshifter ang assistant ni Borgo na si Ishna.

Pagkatapos ihanda ni Borgo ang mga miyembro ng kanyang hukbo, ipinakilala na niya ang katauhan niya kay Darna bilang si Rex Vanguardia. Ang patibong na ito ang naisip niyang paraan para tuluyang nang lumabas ang tunay na halimaw sa likod ni Regina/ Valentina (Janella Salvador).

Ngayon na buo na ang plano ni Borgo, mailigtas pa kaya ni Darna ang sarili at ang mga mamamayan ng Nueva Esperanza?

Patuloy ang paglipad nang mataas ng “Darna” sa primetime TV at digital. Noong 2022, umani rin ito ng iba’t ibang Darna-related content sa TikTok na may #Darna na may pinagsamang 2.3 billion views.

Sa darating na Linggo (January 22), nakatakda namang lumipad ang “Darna” cast sa Iloilo para magpasaya sa Dinagyang Festival sa Vista Mall Iloilo.

Huwag palampasin ang mga bigating labanan na magaganap sa “Darna,” Lunes hanggang Biyernes, 8 pm sa Kapamilya Channel, Kapamilya Online Live, CineMo, A2Z, at TV5. Available rin ang ABS-CBN series na prinodyus ng JRB Creative Production sa iWantTFC at TFC.

Para sa iba pang impormasyon, sundan ang JRB Creative Production sa Facebook at Twitter (@JRBcreativeprod) at sa Instagram (@JRBcreativeproduction).

Para sa updates, sundan ang @abscbnpr sa Facebook, Twitter, TikTok, at Instagram o bisitahin ang www.abs-cbn.com/newsroom.