Lalaking nagbalik, ginulat ang kaanak na naglamay sa inakalang bangkay niya | ABS-CBN

ADVERTISEMENT

dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

Lalaking nagbalik, ginulat ang kaanak na naglamay sa inakalang bangkay niya

ABS-CBN News

Clipboard

Hindi inakala ni Junmar Faeldog na isang pagkakamali ang magiging daan upang muli niyang makasundo ang pamilyang dating nilayasan.

Tampok ang kuwento ni Junmar sa segment na "LSS" ng "ASAP" nitong Linggo, Oktubre 15.

Tatlong taon hindi nagparamdam si Junmar sa kaniyang pamilya matapos maglayas dahil sa tampuhan nilang mag-ama.

"Naghanap po ako ng pamilyang kakalinga sa akin," kuwento ni Junmar.

ADVERTISEMENT

Mula sa tinitirhan sa Montalban, Rizal, lumuwas si Junmar sa Cubao, Quezon City.

Doon nahanap ni Junmar ang isang pamilyang kumupkop sa kaniya.

"May isang Muslim na nagkupkop sa akin... ‘yong pagmamahal na hinahanap ko sa isang magulang, sila mismo ang nagbigay sa akin," ani Junmar.

Sa Cubao rin nakilala ni Junmar si Eden Medis, ang kaniyang kasalukuyang kinakasama.

"Ang nagustuhan ko sa kaniya, 'yong maalaga siya," ani Junmar.

ADVERTISEMENT

Napukaw naman ni Junmar ang puso ni Eden dahil sa pagiging masigasig, lalo na sa panunuyo sa babae.

Tinanggap din ni Junmar si Eden sa kabila ng pagkakaroon niya ng anak. Sa katunayan, hindi itinuring ni Junmar na iba ang anak ni Eden.

Bagaman nakahanap ng mga taong nagparamdam sa kaniya ng pagmamahal, hindi inaasahan ni Junmar ang mga pangyayari upang muli siyang bumalik sa pamilyang iniwan.

Taong 2012 nang matagpuan ang isang pugot na bangkay sa Montalban.

Napagkamalan ito ng mga awtoridad bilang si Junmar.

ADVERTISEMENT

Tugma umano kasi ang kanilang dugo, damit, at maging mga nunal sa batok.

Ilang araw nang pinaglalamayan ng mga kaanak at kapitbahay ni Junmar ang bangkay bago malamang hindi pala ito ang binata.

Napag-alaman lang na buhay si Junmar nang makausap niya ang tiyahin sa Facebook.

Agad umuwi si Junmar sa Montalban matapos marinig ang balita.

"Hindi sila makapaniwala, ‘yong iba nagtakbuhan [sa takot], ‘yong iba niyakap ako," ani Junmar.

ADVERTISEMENT

Dahil na rin sa insidente, nawakasan ang tampuhan nina Junmar at ng kaniyang pamilya.

"Nagkaayos kami sa pangyayaring ‘yon... akala ko hindi po nila ako mahal pero mahal pala nila ako," ani Junmar.

Handog nina Gary Valenciano at Karla Estrada ang awiting "Everything I Do" ni Bryan Adams para kay Junmar.

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

It looks like you’re using an ad blocker

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.