Tabi-tabi po: 10 nilalang ng dilim mula sa panitikang Filipino | ABS-CBN

ADVERTISEMENT

dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

Tabi-tabi po: 10 nilalang ng dilim mula sa panitikang Filipino

Teksto ni Rowegie Abanto,

ABS-CBN News,

at iginuhit ni Kirsten Jamilla,

ABS-CBN News

 | 

Updated Oct 29, 2019 04:15 PM PHT

Clipboard

Aswang, multo, maligno. Bahagi na ng kulturang Filipino ang kuwentuhang kababalaghan at katatakutan lalo na tuwing sasapit ang Undas.

Mula sa mga pahina ng aklat hanggang sa mga pelikula at palabas sa telebisyon at ngayon sa iba't ibang bahagi ng internet, hindi maubos-ubos ang mga kuwento ng hiwaga at mga kakatwang nilalang.

Lingid sa kaalaman ng marami, noon pa mang unang panahon ay hitik na ang panitikang Filipino sa iba't ibang salaysay ukol sa umano'y mga elementong tila lihim na itinatago ng dilim.


BATIBAT (Iloko)

Iginuhit ni Kirsten Jamilla

Naranasan mo na bang sumikip ang iyong dibdib habang natutulog? Sinusubukan mong sumigaw ngunit tila wala kang lakas dahil sa hirap sa paghinga. Pinipilit mo ring igalaw ang iyong katawan upang makawala sa akala mo’y masamang panaginip. Ngunit hindi mo magawa.

Wala kang laban dahil batibat ang umatake sa iyo.

Malaking bulas ang batibat. Sinasabing naninirahan siya sa mga puno. At sa oras na putulin ito at gawing katre o higaan, maghihiganti siya at lalabas sa pinagputulang parte ng higaan.

Ito’y dadagan sa’yo hanggang sa mamatay ka.

Pero huwag mag-alala, sakaling atakihin ng batibat sa gitna ng pagtulog, subukang kagatin ang hinlalaki at galawin ang daliri sa paa.

Siguradong pakakawalan ka nito at babalik sa kaniyang lungga.


ALAN (Tingguian)

Iginuhit ni Kirsten Jamilla

May balat sa mukha na singkapal ng sa kalabaw, ang alan ay madalas magpabitin-bitin sa puno na parang paniki.

Mahaba ang kaniyang braso at kuko, pero pabaligtad namang nakaposisyon ang kaniyang mga kamay at paa.

Magkakaroon ng isang anak na lalaki ang alan at nakatakdang mapang-asawa nito ang isang dalaga.

Makikipagpalit ng prutas ang alan sa isang buntis kapalit ng magiging anak nito, lalo na kapag lalaki ang iluluwal na sanggol.

Kaya rin nitong magpanggap na asawa ng isang babae upang mapagtagumpayan ang kaniyang mga balak.


MANDURUGO (Tagalog)

Iginuhit ni Kirsten Jamilla

Pinaniniwalaan ng mga Tagalog ang mandurugo bilang isang magandang dilag na mahilig maghanap ng matipunong lalaking kaniyang mapapang-asawa. Gamit ang kaniyang kariktan, madali itong makaakit ng kaniyang makakasama.

Pinakamalakas ang mandurugo sa kalaliman ng gabi, at sa kahimbingan ng tulog ng lalaki, saka niya ito aatakihin.

Lalabas ang tunay nitong anyo na tila isang malaking paniki na may mala-tubong dila. Ito ang gagamitin ng halimaw upang unti-unting sipsipin ang dugo ng walang labang lalaki.

Kung mapalad ang biktima, madali niyang mapapatay ang mandurugo sa pamamagitan ng pagsaksak dito ng matulis na kawayan.

Mas magiging mabilis ang pagpaslang sa halimaw kung mangyari ang pananaksak sa bukang-liwayway, kung kailan pinakamahina ang mandurugo.


CATAO/KATAW (Cebuano/Hiligaynon)

Iginuhit ni Kirsten Jamilla

Maganda ngunit mapanganib. ‘Yan ang paglalarawan ng mga Cebuano at Hiligaynon sa kataw na kalahating tao, kalahating isda.

Nagtataglay ng maamong mukha at magandang buhok ang nilalang na ito, na kaniyang ginagamit sa pang-aakit ng mga mangingisda’t manlalakbay.

Pinalulubog ng kataw ang bangka ng sinumang maakit niya at dadalhin ang biktima sa bahay nito sa kailaliman ng dagat.


PALASEKAN (Ilongot)

Iginuhit ni Kirsten Jamilla

Katulad ng mga kagaya niyang duwende, mabait sa mga mabubuti sa kaniya ang palasekan. Ginagabayan nito ang mga tao, lalo na ang mga magsasaka.

Ito’y nagagalit sa tuwing pinuputol ang mga punong kaniyang tinitirhan. Kung nagalit man o naistorbo ang palasekan, maaari itong masuyo sa pamamagitan ng pag-aalay na tuba.

Nananatili ang palasekan malapit sa tirahan ng mga tao tuwing gabi hanggang umaga. Ayon sa mga Ilongot, ang mga naririnig na sipol tuwing gabi ay maaaring galing sa mga palasekan na nais makipag-usap.

Dahil nakapirmi malapit sa mga tahanan, alam ng palasekan ang lahat ng lihim ng mga tao. Nagbababala rin ito laban sa mga panganib at kayang hulaan ang kapalaran ninuman.


WUWUG (Cebuano)

Iginuhit ni Kirsten Jamilla

May pagkakahalintulad ang mga wuwug sa mga aswang dahil gusto rin nitong sumipsip ng dugo ng buntis at sanggol.

Tulad din ng mga manananggal, kaya nitong hatiin ang kaniyang katawan tuwing lilipad, ngunit ang hihiwalay lamang ay ang kaniyang ulo’t lamanloob. Kaiba nga lang sa mga manananggal na puro babae, may mga namamataan din umanong mga lalaking wuwug.

Ginagamit ng wuwug ang kaniyang nakalawit na bituka bilang pang-atake at pangsakal naman ang tila kawad nitong buhok.


ONGLOC (Bohol)

Iginuhit ni Kirsten Jamilla

Dapat mag-ingat ang mga batang makukulit dahil huhulihin kayo ng ongloc kung lagi kayong pasaway. Sila kasi ang madalas tawagin ng mga magulang na pagod na sa kakasaway sa kanilang mga anak.

Ayon sa kuwentong bayan sa Bohol, ang dambuhalang ongloc ay sing-itim ng anino na may malalaking ngipin.

Handang tumugon ang ongloc sa mga magulang na humihingi ng "tulong" sa kaniya.

Hahabulin niya ang batang pasaway at gagawin itong buko, saka itatago sa kaniyang bahay. At kung magutom na ang ongloc, kakaininin na nito ang mga naipong buko—mga huling alaala ng mga pasaway na bata.


BALBAL (Tagbanua)

Iginuhit ni Kirsten Jamilla

Hugis tao ngunit nakalilipad na parang tapilak (Palawan flying squirrel). Ganito inilalarawan ng mga Tagbanua ang balbal.

Anila, mayroon itong mahahaba at pakurbang mga kuko na ginagamit pambutas sa mga bubong kung saan may taong kamamatay lang o ‘di kaya’y sa mga burol.

Ginagamit naman nito ang mahabang dila para hilahin ang bangkay na balak nitong ipakain sa kaniyang pamilya.

Kung nagtagumpay sa pagnanakaw, walang kamuwang-muwang ang kaanak ng namatay na napalitan na ng puno ng saging ang bangkay.

Sinasabing kaya may naglalamay tuwing burol ay upang mabantayan ang bangkay laban sa balbal. Ang ilan ay nag-iingay din upang maitaboy ang mga gumagalang balbal.


GARUDA (Maranao)

Iginuhit ni Kirsten Jamilla

Ang nakamamangha sa Garuda, kaya niyang hugutin ang mga puno sa kagubatan gamit lang ang lakas ng pagkampay ng kaniyang mga pakpak.

Kapag papalapag na mula sa paglipad, mag-aanyong kamay naman ang mga pakpak niya at kayang magpatumba ng mga bahay sa lupa.

Kung makikita, tila nakalugay ang mga ngipin ng garuda.

Paiba-iba rin siya ng anyo. Tuwing nasa himpapawid, siya’y nag-aanyong halimaw na may pakpak. Kapag nasa lupa, mukhang malaking taong kayang bumuhat ng maraming tao.


SEGBEN (Waray)

Iginuhit ni Kirsten Jamilla

“Hinabol ako ng segben!”
“Baka naman aso lang ‘yon.”

Ayon sa mga kuwento, ang hitsura ng segben ay tila asong halos nakatuwad dahil mas mahaba ang kaniyang mga hita at binti, kumpara sa ulo at balikat.

Nagpapalit-palit din ito ng anyo: puwedeng palaka, balang, o di naman kaya’y puting tupa.

Malinamnam sa panlasa ng mga segben ang mga patay na tao, dahilan para siya’y mamaho nang husto.

Diskarte nito’y magpaikot-ikot sa iba’t ibang lugar at maghahanap ng mga taong malapit nang mamatay.

Kapag natuluyan, magpupumilit itong kunin ang bangkay. Itatakas at dadalhin niya ito sa kaniyang among aswang at saka nila ito paghahatian.


Bahagi na nga ng kultura ng bansa ang mga kuwento ukol sa mga nilalang na ito. Minsan, ang mga ito'y naging panakot sa mga musmos, at minsan ding naging sandalan upang ipaliwanag ang mga misteryong ' di maunawaan.

ADVERTISEMENT

Katotohanan o kathang isip? Anuman ang iyong paniniwala, hindi ba't patunay ito ng mayabong na panitikan ng bansa?

—Tinipon ng ABS-CBN Social Media Team

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

It looks like you’re using an ad blocker

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.