ALAMIN: Pangunahing dahilan ng pagkamatay ng mga nagbubuntis | ABS-CBN

ADVERTISEMENT

dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

ALAMIN: Pangunahing dahilan ng pagkamatay ng mga nagbubuntis

Neima Chowdhury

Clipboard

Reuters file photo

Araw-araw ay siyam hanggang 11 ang namamatay na kababaihan sa Pilipinas dahil sa panganganak habang 380 naman kada araw sa buong mundo.

Sa panayam ng DZMM, sinabi ng executive director ng Philippine Center for Population and Development na si Dr. Jondi Flavier na nararapat na mapangalagaan ang buhay ng mga nagdadalang-tao.

"Ang dami pa ring namamatay sa pag-alay lang at pagluwal ng buhay. Sana 'yung nanganganak na nanay, napapangalagaan kasi 'yung buhay na dala niya, siya din 'yung pinanggagalingan," ani Flavier.

Tinalakay rin niya ang mga pangunahing dahilan ng pagkamatay ng mga nagbubuntis.

ADVERTISEMENT

Una ay ang sobrang pagdurugo na dulot ng maling pwesto ng matres o problema sa inunan.

Isa pa sa mga dahilan ng pagdurugo ay ang sunod-sunod na panganganak dahil hindi nabibigyan ng sapat na panahon ang matres at ang babae na maghilom at maibalik ang lakas.

Mabuti kung higit sa dalawang taon matapos ang panganganak bago mabuntis muli upang tuluyang mahilom ang katawan.

Dagdag pa ni Flavier, ang mga nagbubuntis nang mas bata sa edad na 20 at mas matanda sa 40 ay maaari ring magkaproblema.

Ang mga batang nagbubuntis ay hindi pa aniya handa ang katawan.

ADVERTISEMENT

Samantala, ang altapresyon ang ikalawang dahilan ng pagkamatay ng mga nanganganak.

"'Yung pangalawa sa Pilipinas ay 'yung altapresyon. Bukod sa mataas ang presyon, nagkakaproblema sa utak," paliwanag ni Flavier.

Ikatlong sanhi naman ng pagkamatay ng mga nanganganak ang impeksyon na dulot ng hindi magandang lugar ng pinanganakan.

Payo ni Flavier, magkaroon ng apat na pre-natal check-up upang makita at maiwasan ang anumang komplikasyon sa pagbubuntis.

Makabubuti rin aniya na siguraduhin kung saan manganganak ang isang babae upang maiwasan naman ang anumang impeksyon.

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

It looks like you’re using an ad blocker

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.