Estudyante nalunod sa ilog sa Isabela
ADVERTISEMENT
Estudyante nalunod sa ilog sa Isabela
Harris Julio
Published Feb 10, 2021 11:33 PM PHT
Natagpuan nitong Miyerkoles ng umaga ang katawan ng isang estudyante na tinangay ng malakas na agos ng ilog sa Tumauini, Isabela.
Kinilala ang nasawi na si Arturo Curugan, 2, na third year criminology student at residente ng Barangay District 4.
Ayon kay Police Maj. Rolando Gatan, hepe ng Tumauini Police, Martes ng hapon nang magpunta sa Barangay Antagan 1st ang biktima kasama ang mahigit sa 10 kaibigan para magpicnic sa Magoli River.
Nagkayayaan umano ang biktima at isang kasama na tawirin ang ilog. Pero habang lumalangoy pabalik sa lugar kung saan sila nakapwesto ay tinangay ang biktima ng malakas na agos ng tubig.
ADVERTISEMENT
“Nakikita ng mga kasama nila, pero wala silang magawa dahil malakas na nga yung agos ng tubig. Nataon na lumalaki yung ilog dahil sa pag-ulan,” ani Gatan.
Maswerte naman na nakaligtas ang kasama ng biktima.
Bandang alas-10 ng umaga nitong Miyerkoles nang matagpuan sa bahagi ng Pinacanauan River na sakop ng Barangay Caligayan ang bangkay ng biktima.
Napag-alaman din ng pulis na may tila pagpaparamdam na umano ng masamang pangyayari sa biktima.
“Bago siya umalis sa bahay niya, pinagsabihan siya ng relative niya na huwag kang umalis dahil napanaginipan kita na nalunod ka raw. Nagkaroon din ng pictorial yung mga kasama niya, and among the group ay siya lang yung wala sa picture,” ani Gatan.
Nagpaalaala ang mga awtoridad sa mga residente na iwasan ang pagpunta sa ilog lalo kung madalas ang pag-ulan.
ADVERTISEMENT
ADVERTISEMENT



