Pamumulitika? Ilang grupo sumagot sa red-tagging ni Duterte | ABS-CBN

ADVERTISEMENT

dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

Pamumulitika? Ilang grupo sumagot sa red-tagging ni Duterte

Pamumulitika? Ilang grupo sumagot sa red-tagging ni Duterte

ABS-CBN News

 | 

Updated Mar 30, 2022 08:16 PM PHT

Clipboard

Watch more in iWantv or TFC.tv

(UPDATE) Patuloy na iniuugnay ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga progresibong grupo sa mga komunista dahil sa mas lumalawak na oposisyon, sabi ngayong Miyerkoles ng isang mambabatas na miyembro ng isa sa mga grupong ito.

Sa isang public address na inere noong gabi ng Martes, inakusahan ni Duterte ang mga party-list group sa ilalim ng Makabayan bloc sa Kamara na nakikipagsabwatan sa komunistang rebelde para mapasok ang Kongreso.

"Totoo 'yan, nakapasok sila sa Congress, the party-list," sabi ni Duterte bagaman hindi siya nagbigay ng ebidensiya sa koneksiyon umano ng mga grupo sa Communist Party of the Philippines at New People's Army.

Pero sa panayam ngayong Miyerkoles ng TeleRadyo, sinabi ni Bayan Muna Party-list Rep. Carlos Isagani Zarate na hindi na siya nagulat sa pangre-red tag na ginagawa ni Duterte sa kanilang hanay.

ADVERTISEMENT

Matagal na umanong pinag-iinitan ng pangulo ang Makabayan bloc mula nang bumagsak ang negosasyon sa pagitan ng pamahalaan at National Democratic Front.

Naniniwala si Zarate na ginagawa ang red tagging dahil nakikita niyang nagkakaroon na ng malawak na oposisyon sa tambalang Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr at Sara Duterte sa darating na halalan.

Hindi pa opisyal na nag-eendorso si Duterte ng kandidato sa pagkapangulo sa halalan pero sinusuportahan ng kinabibilangan niyang faction sa PDP-Laban ang kandidatura ni Marcos Jr., na running-mate naman ng kaniyang anak.

"Sa totoo lang, ito ang kandidato ni President Duterte talaga eh. Kahit sinasabi niyang hindi pa nag-eendorse ng presidente, malinaw naman ang mga body language at ang ginagawa ng mga minion of the Duterte administration," ani Zarate.

Kumbinsido rin si David Michael San Juan, third nominee ng ACT Teachers party-list, na bahagi ng pamumulitika ni Duterte ang red-tagging dahil malapit na ang halalan.

ADVERTISEMENT

"Siguro nararamdaman niya na maraming tao ang pumapanig sa oposisyon at hindi naman lingid sa kaalaman ng marami na sinusuportahan ng ating party-list, progresibong party-list ang kandidatura ni [Vice President] Leni Robredo," ani San Juan.

"Kaya tinitingnan namin 'tong red-tagging sa amin bilang pangre-redtag din sa broader opposition," dagdag niya.

Watch more in iWantv or TFC.tv

Sa hiwalay na press conference, sinabi ng mga miyembro ng Makabayan bloc na nangangalap na sila ng ebidensiya para kasuhan ang mga sundalo at si Duterte sa International Criminal Court kapag nagtapos ang termino nito.

Sa parehong public address, inakusahan din ni Duterte ang ilang malalaking negosyo at kompanya na ginagamit ang party-list system para sa pansariling interes.

Nakiusap naman ang ibang party-list group sa Kamara na huwag lahatin ng pangulo.

ADVERTISEMENT

"Huwag nating i-centralize 'yung party-list doon sa mga binanggit ni presidente... I'd rather focus on our own advocacy kasi kanya-kanya po kami," sabi ni Bagong Henerasyon party-list Rep. Bernadette Herrera.

"Marami po ang party-list representatives at lahat po 'yan nirerepresenta ang kanilang bawat sektor na full-heartedly at talagang makikipagpatayan para sa sektor na aming pinanghahawakan," ani Ang Probinsyano party-list Rep. Alfred delos Santos.

Nirerespeto naman umano ng Commission on Elections ang pahayag ng pangulo.

— May ulat ni Zandro Ochona, ABS-CBN News

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

It looks like you’re using an ad blocker

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.