Pamamahagi ng ayuda sa ilang lugar sa NCR Plus umarangkada na | ABS-CBN

ADVERTISEMENT

dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

Pamamahagi ng ayuda sa ilang lugar sa NCR Plus umarangkada na

ABS-CBN News

 | 

Updated Apr 07, 2021 09:17 PM PHT

Clipboard

Mga residenteng pumila para sa ayuda sa Barangay Vitalez sa Parañaque noong Abril 7, 2021. Jonathan Cellona, ABS-CBN News

MAYNILA (UPDATE) – Nagsimula na ang pamimigay ng ayuda sa mga apektado ng enhanced community quarantine (ECQ) sa ilang lugar sa Metro Manila at 4 na karatig-probinsiya.

Sa Maynila, sinimulan noong Martes ang pamamahagi ng ayuda bilang cash sa mga residente ng Barangay 20, isa sa mga pinakamalaking barangay sa lungsod.

Sa unang batch, higit 2,800 pamilya ang nabigyan at umabot ng madaling araw ngayong Miyerkoles ang distribusyon.

Higit 400 padyak, tricycle at e-trike driver naman ang kasama sa hindi bababang 7,000 benepisyaryong naka-schedule na makatanggap ng tulong ngayong Miyerkoles sa Maynila.

ADVERTISEMENT

Sa Quezon City, 2,000 sa 60,000 beneficiaries mula Payatas ang naka-schedule tumanggap ng ayuda ngayong Miyerkoles.

Watch more in iWantv or TFC.tv

Dumalo naman sa unang araw ng cash distribution sa Parañaque City sina Social Welfare Secretary Rolando Bautista, Interior Undersecretary Jonathan Malaya at Mayor Edwin Olivarez.

Nasa P604 milyon ang natanggap ng lokal na pamahalaan ng Parañaque para ipamahagi bilang ayuda, sabi ni Olivarez.

Nakipag-partner naman ang lokal na pamahalaan ng Caloocan sa isang malaking remittance center para sa pamamahagi ng P1.3 bilyon na nai-download sa kanila.

Halos 369,000 ang nasa listahan ng mga benepisyaryo sa Caloocan.

ADVERTISEMENT

Sa Taguig, 2,500 beneficiaries ang nakatanggap ng ayuda sa unang araw ng pamamahagi sa 2 barangay.

Ayon sa lokal na pamahalaan, 137,000 ang buong bilang ng benepisyaryo sa siyudad, na ibinatay sa listahan para sa 2 nagdaang Social Amelioration Program at mga wait-listed.

Sa Antipolo City, kasama sa mga unang tumanggap ng cash assistance ang mga katutubong Dumagat, na karamihan ay root crop farmer na nawalan ng kita dahil sa lockdown.

"'Yong kumukuha po sa amin hindi po makapunta sa amin," sabi ni Burut Mameng, isa sa mga magsasaka.

Watch more in iWantv or TFC.tv

Naglaan ang mga opisyal ng barangay ng special lane para sa mga magsasaka, lalo't 6 na oras ang tagal ng paglalakad nila papunta sa distribution site at pauwi sa kanilang mga komunidad.

ADVERTISEMENT

Mayroon din namang mga local government unit na hindi makapagsimula sa pamamahagi ng tulong, tulad ng Bacoor City sa Cavite.

Isinara kasi ang munisipyo ng Bacoor mula Miyerkoles hanggang Huwebes matapos makatanggap ng ulat na 2 empleyado ang nagpositibo sa COVID-19, sabi ni Mayor Lani Mercado.

Humingi ng paumanhin si Mercado sa mga taga-Bacoor, lalo't hindi puwedeng ibang opisina ang mamigay ng ayuda.

Sa Laguna, inaayos na ang listahan ng mga benepisyaryo, ayon kay Gov. Ramil Hernandez.

Pero sinimulan ngayong Miyerkoles ang pamimigay ng tig-3 kilong bigas, na inisyatibo ng provincial government na bukod pa sa ayudang galing sa national government.

ADVERTISEMENT

Ayon pa kay Hernandez, naghahanda rin ang probinsya sakaling tumagal pa ang ECQ.

Hindi pa rin nagsisimula ang distribusyon sa Pasay dahil magbababa muna ng executive order habang nililinis pa ang listahan ng mga benepisyaryo sa Makati at Pateros.

Ayon sa Department of Budget and Management, pinaghahandaan na ang posibleng paglalaan ng pondo sa ibang mga rehiyon sakali mang ilagay din sila sa mas mahigpit na quarantine classification.

Aabot sa P1,000 ang maaaring matanggap ng isang benepisyaryo at P4,000 bawat pamilya.

Nauna nang sinabi ng Department of the Interior and Local Government na ang lokal na pamahalaan na ang magpapasya kung "in cash" o "in kind" nito ibibigay ang ayuda.

– Ulat nina Ina Reformina, Adrian Ayalin at Dennis Datu, ABS-CBN News

RELATED VIDEO:

Watch more in iWantv or TFC.tv

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

It looks like you’re using an ad blocker

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.