Problema ng informal settling sa mga tore ng NGCP, talamak sa buong bansa
ADVERTISEMENT
Problema ng informal settling sa mga tore ng NGCP, talamak sa buong bansa
Raphael Bosano,
ABS-CBN News
Published Apr 20, 2017 08:32 PM PHT
|
Updated Apr 20, 2017 08:52 PM PHT
MANILA — Gusto mang umalis ng ibang informal settlers sa ilalim ng mga tore ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP), wala naman daw silang magawa lalo’t wala silang malilipatan.
Matapos ang pagkasunog at pagtagilid ng tore ng NGCP sa Muntinlupa noong Miyerkules, nangangamba na rin ang nasa 15 pamilya na nakatira sa ilalim din ng tore sa Santa Quiteria, Caloocan.
Karamihan sa kanila, mahigit isang dekada nang ginagawang silungan ang tore. Ilan pa nga sa mga ito, bahagi na ng bahay ang tore, gaya na lang ng isang bahay kung saan ang mismong base ng tore ay nasa loob ng palikuran.
Pero ayon sa NGCP, hindi lang ito sa Metro Manila nangyayari.
ADVERTISEMENT
Bukod sa mga bahay na nakatayo sa ilalim ng tore ng NGCP, may iba pang mga uri ng obstruction sa iba pang mga tore sa iba't ibang bahagi ng bansa. Ang problema, walang batas sa ngayon na nagpapataw ng parusa sa mga magtatayo ng kahit anong istraktura sa ilalim ng mga tore.
Sa mga larawan ng tore at linya ng NGCP sa Lanao del Sur, makikitang puno rin ng mga pananim ang palibot nito, bagay na nakapagpapahirap sa kanila tuwing magsasagawa ng routine check ang kanilang mga tauhan.
“Hindi kami makalapit sa mga towers namin. What we can do ay aerial inspection or foot patrol, kasi hindi makapasok iyong mga equipment namin,” ani Samboy Concepcion ng NGCP.
Sa ngayon, nakabinbin pa rin sa Kongreso ang House Bill 3551, o ang Anti-Power Line Disturbance Act, kung saan ipinagbabawal ang pagtatanim ng mga halaman at iba pang aktibidad sa ilalim ng right-of-way corridor ng tower at transmission line.
Muling paalala ng NGCP, bawal magtayo ng mga bahay sa ilalim ng mga tore. Pero nilinaw nila na hindi nila trabaho ang hanapan ang mga ito ng malilipatan, o bigyan ng salapi upang umalis.
ADVERTISEMENT
Sa isang pahayag, sinabi naman ng lokal na pamahalaan ng Caloocan City na sila ay naging matagumpay sa pag-relocate ng mga informal settlers na nasa danger areas tulad ng wateways.
“We have successfully relocated settlers in danger areas (waterways) and those along the railways affected by the NLEX (North Luzon Expressway) connector road. Definitely, these settlers under the towers are in a dangerous area so we will coordinate with NHA (National Housing Authority) and NGCP for their relocation,” ani Caloocan City Mayor Oscar Malapitan.
Sa pahayag ng pamahalaanng Caloocan, sinabi nito na na-relocate na nila ang ibang informal settlers sa mga danger zone. Makikipag-ugnayan na rin sila sa National Housing Authority at NGCP para mailipat ang mga nakatira sa ilalim ng mga tore na itinuturing ding danger zone.
Para sa NGCP, patuloy silang makikipagusap sa mga nakapwesto sa ilalim ng mga tore para maipaliwanag ng husto ang peligro sa pagtira sa ilalim ng mga ito.
ADVERTISEMENT
ADVERTISEMENT


