Pumalyang VCMs, mahabang pila: Ilang gusot naranasan sa #Halalan2022 | ABS-CBN

ADVERTISEMENT

dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

Pumalyang VCMs, mahabang pila: Ilang gusot naranasan sa #Halalan2022

ABS-CBN News

 | 

Updated May 09, 2022 09:06 PM PHT

Clipboard

Tomas Morato Elementary School sa Quezon City sa pagsisimula ng national elections, Mayo 9, 2022. Fernando G. Sepe Jr., ABS-CBN News/File
Tomas Morato Elementary School sa Quezon City sa pagsisimula ng national elections, Mayo 9, 2022. Fernando G. Sepe Jr., ABS-CBN News/File

(UPDATE) Naantala ang botohan at humaba ang pila ng mga botante sa mga presintong nakaranas ng pagpalya ng mga vote counting machine (VCM) ngayong Lunes, sa makasaysayang national at local elections sa gitna ng COVID-19 pandemic.

Ayon kay Comelec Commissioner George Garcia, 1,867 aberya kaugnay sa VCM ang naitawag sa komisyon kahit pa pasado ang mga makina sa final testing at sealing.

Pero agad naman umanong naayos ang karamihan sa mga aberya.

Para sa Comelec, hindi dahilan ang aberya para maantala ang botohan dahil protocol naman na kapag may problema sa makina, tuloy ang pagboto gamit ang mga balota.

ADVERTISEMENT

Watch more News on iWantTFC

Pero imbes na ihulog umano ng botante mismo sa makina at makita kung nabilang nang tama ang boto gamit ang voter verified paper audit trail, titipunin na lang ng electoral board ang mga balota at sabay-sabay ipi-feed kapag may makina na. Binabantayan umano ito ng poll watchers.

Puwede rin umanong maghintay ang mga botante ng makina para personal na ma-feed at ma-check ang resibo.

Bago natapos ang araw, 168 na VCM at 176 na SD card ang lumabas na depektibo at kinailangang palitan, ani Commissioner Marlon Casquejo.

Sa Quezon City, umabot ng 3 kilometro ang pila ng mga botante sa Culiat Elementary School dahil sa mga VCM na niluluwa o ayaw tumanggap ng balota.

Ilang oras din ang hinintay ng mga botante sa ilang polling precinct dahil sa mga nagkaproblemang VCM.

ADVERTISEMENT

Watch more News on iWantTFC

Ayon sa Comelec, mas kaunti ang mga depektibong makina ngayong taon kompara noong 2019, na umabot sa 5,000.

Sa panayam ng "TV Patrol," sinabi ni Garcia na "naging maayos" ang halalan ngayong taon sa kabila ng mga ulat ng aberya sa makina at karahasan.

"Kakaiba ang eleksiyon na 'to, may pandemya tayo... pero despite that, naging maayos 'yong naging halalan," ani Garcia.

"Maaaring may mga pakaunti-kaunting aberya, kaunting violence, maaaring may mga pumalpak na makina pero generally naging maayos ang ating botohan," dagdag niya.

Inilutang din ni Garcia ang ideya ng pagbili ng mga bagong makina kasunod ng mga aberya.

ADVERTISEMENT

Binalita naman ni Commissioner Aimee Ferolino na marami na silang natanggap na ulat ng vote buying at idinulog na ito sa National Prosecution Service.

Ilan pa sa mga aberyang naranasan ang pagkakapalit ng balota sa 2 presinto sa Maguing, Lanao del Sur bandang umaga.

Naantala rin ang botohan sa Cotabato City dahil sa pagkuha ng balota ng electoral boards, na binubuo ng mga pulis matapos palitan ang orihinal na board na natakot dahil sa seguridad.

Pawala-wala rin umano ang kuryente sa Bukidnon, na agad namang tinugunan ng Department of Energy.

Nasa 18,000 posisyon ang kailangang punuin sa halalan ngayong taon, kung saan mayroon ding 65.75 milyong rehistradong botante, bukod pa sa higit 1.6 milyong rehistradong overseas voter.

I-bookmark ang ABS-CBN News Halalan results page para makita ang partial unofficial tally ng election returns.

Para sa iba pang ulat, pumunta sa ABS-CBN News live blog.

— May ulat nina RG Cruz at Pia Gutierrez, ABS-CBN News

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

It looks like you’re using an ad blocker

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.