Bayan sa Northern Samar nagtamo ng malaking pinsala sa hagupit ng bagyong Ambo | ABS-CBN

ADVERTISEMENT

dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

Bayan sa Northern Samar nagtamo ng malaking pinsala sa hagupit ng bagyong Ambo

Ranulfo Docdocan,

ABS-CBN News

Clipboard

Malaki ang pinsalang idinulot ng malakas na hangin at ulan sa bayan ng Lapinig sa Northern Samar sa pananalasa ng bagyong Ambo nitong nakaraang linggo.

Para sa mga residente ng lugar, ang lakas ng bagyo ay 'di katulad noong unang mga bagyo na nanalasa sa kanila.

Kasabay nito, nagkaroon pa ng storm surge o daluyong na ikinasira ng mga bahay ng mga residente.

Nagkaroon din ng mga landslide at humambalang sa daan ang mga natumbang puno at poste ng kuryente.

ADVERTISEMENT

Kwento ng mga residente ng Barangay Palanas ng nasabing bayan, umabot hanggang dalawang metro ang taas ng daluyong sa kanilang lugar.

Maraming bahay ang nasira at natuklap din ang bubong ng paaralan.

Hindi pa nawawala ang takot ng kagawad na si Genalyn Ortillada ngunit laking pasasalamat niyang nakalikas sila sa paaralan at nailigtas ang kanyang mga anak.

Dagdag pa ng kagawad, paghupa ng bagyo, poste na lang ng kanilang bahay ang natira at ang iba nilang gamit ay natangay ng tubig-dagat.

Kaya ngayon, sa pinagtagpi-tagping yero at trapal muna sila nakakasilong. Doble pa ang sakripisyo nila ngayong wala na ang bagyo at mainit na ang panahon.

ADVERTISEMENT

Si Teresita Cesista naman, laking pasasalamat na nakapagbakwit sila pero pagbalik nila ng bahay, wala na itong bubong at dingding.

Nabasa rin ang kanilang mga palay kaya ibinilad na lang ito sa araw para mapakinabangan pa.

Sila Maria Gemalyn Norcio naman, nangutang lang muna ng trapal para mailagay sa nawalang bubong na tirahan. Hindi rin nila inaasahan ang malakas na bagyong Ambo.

Ayon kay Mayor Maria Luisa Menzon, 80 porsiyento ng mga kabahayan sa kanilang bayan ang nasira, kasama rin ang mga seawall na harang sana sa malalakas na alon.

Dagdag pa niya, apektado rin ang kabuhayan ng mga residente.

ADVERTISEMENT

Isinailalim na sa state of calamity ang bayan ng Lapinig pero kailangan pa rin ng tulong ng munisipyo para matugunan ang pangangailangan ng mga biktima ng bagyo.

Sinisikap naman ng mga crew ng Department of Public Works and Highways Northern Samar na matapos ngayong linggo ang isinasagawang clearing operation papasok sa bayan ng Lapinig.

Samantala, isang resolusyon naman ang ipinasa ng Sangguniang Bayan ng Catubig para isailalim sa state of calamity dahil sa lawak din ng pinsala dahil sa malawakang pagbaha.

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

It looks like you’re using an ad blocker

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.